GINUGUNITA ngayon ang pagpasok ni Hesus sa Jerusalem: “Osana ang aming awit, Dakilang Anak ni David. Sa ngalan ng D’yos sa langit pagpapala ang pagsapit ng pagtubos sa daigdig.”
Matapos ang limang linggo ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagpapakasakit at Pagkabuhay ng Panginoon ay sinikap nating tuparin at unawain ang ating pananagutan sa Diyos at kapwa ayon sa turo ni Hesus. Ito ang Mahal na Araw sa ating mga Kristiyano, araw ng paggunita sa paghahandog ni Hesus ng Kanyang buhay upang tayo sagipin. Pinaghahandaan ba natin ang linggong ito nang taimtim at lubusang pagpapakasakit upang ma-ging mapayapa sa Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Hesus?
Paalaala sa atin ni Isaias na maging handa at magtiis sa mga pagsubok ng Panginoon sapagkat Siya ang tumutulong sa atin. Lakasan natin ang loob at hindi Niya tayo pababayaan kahima’t kung minsan ay napapasama rin tayo sa awit ni David: “D’yos ko. D’yos ko! Bakit mo ako pinaba-yaan.” Sa pagliligtas sa atin ni Hesus ay hindi Siya nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos Ama. Nagpakababa Siya bilang tao na katulad natin. Marami nang panahon na hindi tayo nagbabalik-loob. “Sa gabing ito, Ako’y iiwan ninyong lahat, gaya ng nasa kasulatan. ‘Papatayin ko ang Aking Pastol, mangangalat ang mga tupa’.”
Sa mga pangyayari sa buong daigdig sa panahong ito: lindol, baha, tsunami, giyera, patayan, away, pagpapakamatay, abortion, pagpatay at pagtatapon sa mga sanggol ay ito na ang panahon na dapat nating buksan ang isipan. Magsisi tayo at maghanda sapagka’t darating ang Panginoon. Laging tanungin ang sarili: Ano ba ang gagawin ko at saan ako pupunta ngayong Mahal na Araw? Ikaw lamang ang makasasagot ng tanong na iyan sa iyong Panginoon!
Isaias 50:4-7; Salmo 22; Filipos 2:6-11 at Mt 26:14-27, 66.