Kasal na sa iba ang magiging asawa
ANG kasong ito ay tungkol kay Olivia, isang Pilipina na nagpakasal sa German national na si Rudolf. Ang kasong ito ay tumatalakay sa legalidad ng pangalawang kasal kung ang unang kasal ay wala naman talagang bisa.
Noong 1978, pumunta si Rudolf sa Pilipinas matapos ang mahigit isang taon na pakikipagpalitan ng sulat kay Olivia. Pumunta siya para lang alukin ng kasal si Olivia matapos ang mga liham nila sa isa’t isa kung saan tuluyan na niyang nakilala at nahulog na ang loob niya sa babae. Ilang linggo matapos siyang dumating sa Pilipinas, nagpakasal na sila ni Olivia sa simbahan. Malalapit lang na kamag-anak ang imbitado sa kasal.
Ang hindi alam ni Rudolf, kasal na pala si Olivia kay Ernesto may anim na taon na ang nakararaan. Kaya lang, hindi naman talaga nagsama sina Ernesto at Olivia. Ayon sa babae, napilitan lang siyang magpakasal. Sa katunayan, noong ipilit siyang ipakasal sa lalaki, kasal na ito sa ibang babae.
Nang malaman ni Rudolf ang tungkol sa naunang kasal ni Olivia, nagsampa siya ng reklamo sa korte upang madeklarang walang bisa ang kanilang kasal. Kinontra naman ito ni Olivia. Ang katwiran ng babae, ginamitan lang siya ng dahas kaya may nangyari sa kanila ni Ernesto pero sa simula pa lang ay walang bisa ang nasabing kasal dahil nga kasal na ang lalaki sa iba at ang kasal niya kay Rudolf ang legal. Tama ba si Olivia?
MALI. Kahit sabihin pa na pinuwersa lang ang mag-kabilang panig na magpakasal, o kahit pa walang bisa ang kasal dahil may unang kasal na si Ernesto sa ibang babae, wala pa rin deklarasyon na nagmula sa korte na nagpapawalang-bisa sa nasabing kasal. Kaya’t kung legalidad lang din ang titingnan, maituturing pa rin na may asawa na si Olivia nang magpakasal siya kay Rudolf. Nararapat lang na ipawalambisa ang pangalawang kasal ni Olivia kay Rudolf. Wala itong bisa sa ilalim ng batas (Wiegel vs. Sempio Diy, 143 SCRA 499).
- Latest
- Trending