May pinagtatakpan kaya?(Huling Bahagi)
ISANG araw matapos magkausap ang BITAG at ang tauhan ni DILG Secretary Jesse Robredo na si Atty. Rances, ikinagulat namin ang mga sumunod na nangyari.
Dumating sa aming tanggapan ang inang nagre-reklamo, alas-7 ng gabi. Umano’y tinawagan siya ni Atty. Rances at pinapupunta siya ng NAPOLCOM ng gabing iyon upang makuha ang kaniyang anak.
Nakapagtataka na hindi man lamang inabisuhan ng abogada ang BITAG sa gagawin nilang hakbang na ito. Bagkus, ang nagrereklamong ina ang diretso nilang kinontak at itinago ito sa BITAG.
Hindi ang tanggapan ng NAPOLCOM ang inaasa- han naming magiging lugar kung saan isasauli ang bata. Hindi’ rin kami nakakasigurado na kung may represen-tante ba ng DSWD na siyang nakatalaga sa mangyaya-ring pagbalik ng bata sa kaniyang ina ng gabing iyon.
Dito, sinamahan namin ang ina sa NAPOLCOM kahit hindi kami “imbitado”. Subalit sa baba pa lamang, hinarang na ang BITAG, utos raw ito ni Atty. Rances na ‘wag papasukin ang aming grupo.
Ayon kay Atty. Rances na nakausap pa namin sa telepono sa lobby ng NAPOLCOM, instructions daw ni Sec. Robredo na ‘wag magpapasok ng media sa pagsoli ng colonel ng bata sa ina nito.
Nang makausap naman ng BITAG si Sec. Robredo sa cellphone, si DSWD Sec. Dinky Soliman daw ang may kagustuhang walang media coverage. Kinumpirma naman ito ni Sec. Soliman sa pamamagitan ng text sa BITAG.
Ayon sa kalihim ng DSWD, para daw ito sa kapakanan ng bata kaya wala dapat mga camera. Ayaw man naming isipin subalit lumalabas na tila, nagsabwatan ang dalawang ahensiya ng gobyerno sa kasong ito.
Naglalaro tuloy sa isipan ng BITAG, kapakanan nga ba talaga ng bata ang pinuprotektahan sa kasong ito? O may ibang reputasyon na pinangangalagaan?
Sa lugar pa lamang kung saan ibabalik ang bata sa kaniyang ina, kaduda-duda na. Halata nang may pinapanigan.
Kung naiintindihan niyo lamang ang salitang respeto, kurtesiya at pananagutan, alam niyong BITAG ang naglapit sa inyo ng kasong ito.
Ganunpaman, ang pananagutan ay hindi sa BITAG o maging sa ina ng bata. Iyon sa pagitan niyo at ng inyong lumikha kung paano niyo gawin ng tama at may konsensiya ang inyong mga trabaho bilang mga kawani ng gobyerno.
Bilang katapusan ng kasong ito, kasalukuyang sumasailalim sa counselling at iba pang pagmo-monitor ng DSWD ang ina upang masiguro ang magiging kalagayan ng sanggol bago isauli sa kaniya ang kaniyang anak.
- Latest
- Trending