Sugal sa Batangas
NAGLIPANA ang ilegal na sugal sa Batangas, ang home province ni PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo. At kapag hindi naikumpas ni Bacalzo ang kanyang kamay na bakal laban sa pasugalan sa Batangas, paano pa niya masasabi sa masang Pinoy na kaya niyang linisin ang jueteng at iba pang uri ng sugal? Si Bacalzo ay ipinanganak sa Tuy. Halos ginawa na niya ang lahat bilang PNP chief na tulungan at maiangat ang kalidad ng pulisya sa Tuy lalo na sa pagbigay sa kanila ng armas at iba pang kagamitan. Maaring mataas na marka ang maibigay ke Bacalzo sa isyu sa pagtulong sa pulisya sa bayan niya, subalit sa kampanya laban sa pasugalan, baka zero ang marka niya?
Si Batangas Gov. Vilma Santos? Tiyak na mas mababa pa ke Bacalzo ang marka niya dahil nabulid sa sugal ang kanyang mga mamamayan doon. Kasi nga sa halip na ibili ng bigas at ulam ang kakarampot na kinikita ay napupunta pa sa mga gambling lord. Talamak na naman umano ang jueteng at peryahan sa Batangas at mukhang sina Santos at Bacalzo lang ang hindi nakakaalam. Siyempre, tulad sa ibang bahagi ng bansa, ang jueteng sa Batangas ay nakatago sa STL at ang iba naman ay dinadaan na lamang sa boka o tinatawag na lang ang winning combinations para maiwasan ang paggamit ng bulilyo. Kapag me bulilyo kasi, ibig sabihi’y me jueteng talaga.
Ang peryahan naman ay nagbukasan na rin at pati mga bata ay naglalaro sa color games. Si Aling Tessie ang financier ng peryahan sa Bauan, Mabini, San Jose, San Vicente at Balete sa Lipa City. Si Yolly at Jun Alona naman sa Rosario. Ipinagmamalaki ng mga financier ng peryahan at pasugalan na hindi sila maaring ipasara ng pulisya dahil bagyo sila hindi lang kay Bacalzo kundi pati kay Sr. Supt. Alberto Supapo, hepe ng Batangas PNP. Papayagan kaya nina Supapo at Bacalzo ang pagmamayabang ng mga financier ng jueteng at peryahan sa Batangas? Kung sabagay, maaring hindi na gagalaw si Supapo dahil malapit na siyang palitan ni Col. Licup, ang bata ni Santos. Sino si alyas Cris Ibon na dapat daw kausapin bago makapagbukas ng pasugalan sa Batangas?
Marami ang nakapuna na parang walang PNP chief dahil hindi mahagilap si Bacalzo. Ni hindi nga siya marinig sa radio at masilayan sa TV at diyaryo. Ibig bang sabihin, magiging bulag, pipi at bingi na lang si Bacalzo sa problema sa jueteng at peryahan sa Batangas?
Kung sabagay, hindi lang sa Batangas nagbukasan ang jueteng kundi maging sa Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union at iba pang mga probinsiya. Bakit kaya nangupiti ang buntot ni Bacalzo para pigilan ang patuloy na operasyon ng mga ito? Nagkamali kaya si P-Noy sa paghirang kay Bacalzo bilang PNP chief? Abangan!
- Latest
- Trending
















