INAPRUBAHAN na ng Palasyo ang fuel subsidy o ang “pantawid pasada” para sa mga pampublikong jeepney at tricycle. Ibig sabihin, mas makakabili ang mga drayber ng mga sasakyang ito ng mas murang gasolina at krudo. May limitasyon din naman ang kanilang pagbili ng mas murang fuel, para hindi abusuhin ang tulong. At pansamantala lang ang programa, habang may pondo na nakalaan na, at habang mataas pa ang presyo ng mga produktong petrolyo. Sunod-sunod na ang pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo, bunsod ng mataas na presyo ng langis sa world market. Wala pa kasing linaw na matatapos ang gulo sa Libya, kung saan galing ang malaking porsyento ng langis. At may mga iba pang bansa sa Middle East na nagkakagulo na rin! Kung bakit pa kasi roon may langis sa rehiyon na iyon!
Ang sa akin lang, dapat bigyan ng tulong yung mga karapat-dapat ding bigyan. Ito yung mga drayber na sumusunod at may respeto sa batas trapiko. Hindi dapat bigyan ng pantawid ang mga abusado sa kalye, mga hindi marunong sumunod sa batas, mga walang pakialam na sila’y nakakasagabal, nakakapeligro at nakakaperwisyo na sa kalye! Tandaan na pera ng mamamayan ang pinamimigay ng Palasyo, kaya kahit papano, dapat may pakinabang din ang taumbayan, lalo na yung mga magbabayad ng tamang buwis! Kung ang sukli man lang doon ay mga disiplinadong drayber, okay na iyon.
Nakakainis nga naman, na tinitiis mo ang mataas na presyo ng gasolina, na kailangan mong magtipid sa ibang bagay para lang mabayaran mo ang karagdagang presyo ng gasolina o krudo, tapos pipinahan ka ng isang pampasaherong jeepney na nakakuha ng mas murang gasolina! Na basta-basta titigil na lang kahit saan, kadalasan sa gitna pa ng kalsada, para magbaba o magsasakay ng pasahero, na sasalubong o counterflow nang walang pakialam. Mga tricycle na walang karespe-respeto sa batas, na sisingit kahit saan, titigil kahit saan, makikipag-away kahit saan!
Walang problema ang magbigay ng tulong, lalo na sa panahon ng kahirapan. Sana lang ay ibigay ang tulong sa nararapat. Kung galing din naman sa taumbayan ang tulong, dapat hindi na rin maperwisyo ang taumbayan. Alam kong maraming disiplinadong drayber din diyan, yung mga walang kasaysayan ng paulit-ulit na paglabag sa batas, kaya sila dapat ang unang bigyan ng tulong. Tama lang di ba?