^

PSN Opinyon

'Suicide Call'

- Tony Calvento -

“KAPAG hindi ka nakagawa ng paraan na ma-‘rescue’ ako dito mababalitaan mo na lang… lumundag ako mula taas ng building.”

Nakakabagabag na pahayag ng isang OFW mula sa ban­sang Ku­wait.

Ang Overseas Filipino Worker (OFW) na tinutukoy ay si Edelyn Montilla, 30 taong gulang tubong Tandag, Surigao del Sur.

Dahil dito nangilabot ang ‘tricycle driver’ na si Arnel Mon­tilla, ang nakakatandang kapatid ni Edelyn.

Napasugod siya sa aming tanggapan para maisalba daw ang buhay ng kanyang kapatid mula sa tiyak na kamatayan dahil sa banta nitong pagpapatiwakal.

Si Edelyn at Arnel ang dalawang anak ni Alfredo sa unang asawa nitong si Marlyn Lacomte.

Mula sa ‘broken family’ ang magkapatid kaya’t sobra ang pag­ma­mahal ni Arnel kay Edelyn. Nagkahiwalay lang ang da­lawa ng ma­kipagsapalaran si Arnel sa Maynila. Dito niya pina­sok ang pamamasada ng tricycle.

Sa Brgy Rizal, Makati byaheng Pembo ang naging ruta niya ha­bang naiwan naman si Edelyn sa kanyang ama sa Tandag.

Sa Maynila na nakapag-asawa’t nagkaroon ng anak si Alfredo. Si Edelyn naman kinasama ang kababayan niyang si “Taloloy”, isang ma­ngignisda.

Nagkaroon na sila ng kanya-kanyang pamilya kaya’t naging mada­lang na rin ang kanilang pagkakamustahan

Buwan ng Setyembre 2010, naikwento sa kanya ng kapatid na may taga Maynilang pumunta sa Tandag. Nagre-recruit umano ito ng mga probinsyanang gustong magtrabaho bilang ‘domestic helper’ (DH) sa ibang ng bansa.

Halagang apat na raang dolyar (400 US dollars) o katumbas na halagang labing walong libong piso (Php18,000) ang ipinangakong swel­do sa kanya.

Laki ng perang kikitain ang naging tukso para kagatin ni Edelyn ang alok.

Nobyembre ng lumuwas ng Maynila si Edelyn. Pinuntahan niya ang ahensyang magdadala sa kanya sa bansang Kuwait. Ang Al Alamia International Agency sa Mabini, Ermita Ma­nila.

“Nagulat na lang ako ng malaman kong lumuwas pala siya ng Maynila na hindi man lang ipinaalam sa akin. Si­guro iniisip rin niya na pigilan ko siya na pumunta sa mala­yong lugar na hindi niya alam kung anong tunay na kapalarang naghihintay sa kanya,” sabi ni Arnel.

Tuluyan ng nakaalis si Edelyn. Pinaalam niya kay Arnel na ang kan­yang magiging employer ay si Aida Mohd Roja Manur Al Dihani.

Napag-alaman ni Edelyn mula sa kanyang agency na mahigpit ang mga among Arabo. Ipinagbabawal nila ang pag­gamit ng cell phone. Ipinaliwanag niya rin ito sa kanyang asawa at inihanda nila ang kanilang sarili sa ganitong kalagayan. Ang tiisin ang lahat sa ngalan ng pamilya.

Mula Disyembre hanggang Pebrero hindi nakatanggap ni isang text si Arnel mula sa kapatid. Labis siyang nag-alala. Wala naman siyang paraan para makausap si Edelyn kaya’t itinuon na lang niya ang atensyon sa pamamasada.

Buwan ng Marso ng tumawag sa kanya ang isang hindi kilalang nu­mero.

“Kuya…ayoko na dito mga demonyo ang amo ko!” pam­bu­ngad na bati ng isang babae.Hindi agad nabosesan ni Arnel ang babae dahil paiyak-iyak ito. “Kuya si Edelyn ‘toh… iuwi mo na ko dito!” sabi ni Edelyn.

Tinanong ni Arnel kung ano ang problema. Kwento ng kapatid, ma­­­gulo… maingay at maraming pamilya meron sa loob ng bahay. Kin­ukulong sa banyo… binubugbog… hindi pinapakain lahat ng ito ay ang pagmamaltratong ginagawa ng amo kay Edelyn, ayon kay Arnel.

Parehong sumbong rin ang nakarating kay Arnel sa panga­lawang tawag nito. Unang araw ng Abril ng huling nakausap ni Arnel ang kapatid.

Nang tanungin namin si Arnel kung bakit pinaparusahan ang kapatid ng ganito, nahuli umano si Edelyn na nakikipag-usap sa kapwa ‘Pinay’ DH sa loob ng building.

Sinubukang kausapin ni Arnel ang ahensyang may hawak kay Edelyn subalit ayon sa kanya ang mga ito pa ang galit. Halagang Php70,000 rin umano ang pinapabayad sa kanila sakaling hindi ituloy ni Edelyn ang dalawang taong kontrata kay Aida Mohd Roja Manur Al Dihani. Ito ang dahilan kung bakit napasugod sa aming tanggapan si Arnel.

Itinampok namin ang istorya ni Arnel sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Bilang agarang aksyon kinapanayam namin sa radyo si Usec. Rafael Seguis ng Deparment of Foreign Affairs (DFA).           

Nangako naman si Usec. Seguis na kakausapin niya si Am­bassador Shulan Primavera, ang ating Consul General na naka-‘assign’ sa Kuwait.

Ang ating embahada naman ay magpapadala ng ‘repre­sen­tative’ para tignan ang tunay na kalagayan nitong ating kababayan.

Kapag napatunayan naman na inaabuso at minamaltrato itong si Edelyn hindi lamang kakasuhan ang kanyang employer at kanyang agency kundi bibigyan nila ng kalinga itong ating kababayan at sisigu­raduhin na siya’y makabalik sa ating bansa upang makapiling ang kan­yang pamilya.

SA AMIN DITO CALVENTO FILES, madalas sa aming pa­kiki­pag-­usap sa ating mga ‘officials’ ng DFA, ‘Undersecretaries’, ‘Am­bassadors’ at ‘Consuls’ maliwanag na ang ating mga kababayan na biglang bubunutin mo sa kani-kanilang pamilya at ilalagay sa malayong lugar ay dumaranas ng iba’t ibang pag­hihirap. Ang iba hindi nila nakakayanan ang ‘culture shock’ at ang lungkot kaya’t dumaraan sa ‘depression’ habang ang iba naman ay naghahanap ng ibang kanlungan na nagiging resulta ng pagkawasak ng kanilang pamilya.

Ano pa man yun, kami at ang lahat ng bumubuo ng CALVENTO FILES at “Hustisya Para Sa Lahat” ay nandito upang magbigay ng aming munting tulong para sa ating mga kababayan na namomroblema sa malayong lugar upang kanilang madama at pati na rin ng kanilang pamilya na hindi sila nag-iisa sa oras ng kanilang pagsubok. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

SA gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 091­98972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

NAIS kong batiin ang bunsong anak na babae ni COM­MISSIO­NER LITO ALVAREZ ng Bureau of Customs (BOC) na si Maui Al­varez ng congratulations! Si Maui ay grumaduate kahapon mula sa San Beda Alabang College. Gusto ko ring batiin ang mag-asawang Lito at Vilma dahil sa pagtatapos ng isang estudyante malaking bahagi ng tagumpay ay dahil sa mga ulirang magulang tulad nila Lito at Vilma. Sa lahat rin ng nagtapos nitong taon congratulations sa inyo at sa inyong mga magulang!

* * *

Email address: [email protected]

AIDA MOHD ROJA MANUR AL DIHANI

ARNEL

EDELYN

LSQUO

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with