'Paa(no) na ang bukas?'
SA UMAGA UTAK ang pinagagana. SA GABI katawan naman ang kumakayod. Ganito ang naging buhay ng isang esyudyante (SCHOLAR) ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at pagdating ng gabi, crew naman siya ng isang sikat na restaurant, Ang ‘Kenny Rogers’.
Ang ‘working student’ na tinutukoy ay si Leonell “Nell” de Leon, 25 taong gulang ng Payatas, Quezon City.
Minsang nangarap si Nell na makatapos ng kursong Business Management at humawak ng maliit na negosyo subalit sa isang iglap sa kahabaan ng Sampaguita St., Quirino Highway, Caloocan City naging bangungot ang kanyang simpleng hangarin.
“Maluwag ang kalsada tahimik kong minomotor ang Sampaguita St. ng bigla na lang akong tumilapon mula sa sinasakyan kong motor,” kwento ni Nell.
Nagpunta sa aming tanggapan ang ina ni Nell na si Felicidad o “Feli”, 50 taong gulang. Isang Technological and Livelihood Education (TLE) teacher ng isang pampublikong paaralan.
Halata kay Feli ang panghihinayang sa sinapit ng 25 taong gulang na panganay na anak na si Nell. Matapos maputulan ng binti dahil sa isang ‘vehicular incident’ na naganap isang umaga sa Quirino Highway. Ito ang dahilan kung bakit nagsadya siya sa aming tanggapan.
Maliban kay Feli si Nell ang katuwang niya sa pagpapalaki’t pagpapaaral sa limang anak. Natengga kasi ang kanyang asawang si Antonio na dating ‘cook’ sa mga restaurant.
Sa kagustuhan ni Nell na makatapos ng pag-aaral nagtrabaho siya bilang isang crew sa Kenny Rogers, Trinoma.
Pagkatapos ng klase ni Nell diretso siya sa kanyang duty.
Ika-2 ng Pebrero 2011 matapos ng kanyang trabaho dumaan siya sa bahay ng kaibigan niya sa Malaria, Caloocan.
Ganap na alas dos ng umaga habang pauwi si Nell sakay ng kanyang ‘single’ na motor… sa kahabaan ng Sampaguita St. bigla na lang siyang sinalubong ng isang pampublikong bus. Ang LS Tours Bus Co. Inc. na may rutang Quiapo-Tungko.
Sumalpok ang bus sa motor ni Nell. Sumeplang ang motor. Tumalsik si Nell… sumadsad siya sa kalsada!
“Dumilim ang paligid. Wala na kong makita. Naramdaman ko na lang ang mabigat na gulong ng bus na gumulong sa aking kaliwang binti…” pagsasalarawan ni Nell.
Nakita niya ang kanyang sarili na naliligo sa sariling dugo. Kwento pa ng ina ni Nell, inakala ng mga taong nakakita sa kanya na patay na siya.
“Narinig ko ang mga taong nagbubulungan na… ‘Patay na yata!’. Buti na lang at nilapitan ako ng isa at pinulsuhan ako sumigaw, ‘Buhay pa! Buhay pa!” kwento ni Nell.
Sinugod sa Manila Orthopedic Hospital si Nell subalit tinanggihan siya dahil sa pinsalang tinamo niya sa mukha. Mabilis siyang inilipat sa ‘emergency room’ ng Jose Reyes Medical Center.
Alas siyete na ng umaga ng makarating kay Feli ang sinapit ng anak. Nadatnan niya si Nell na nakahiga sa kama ng ospital ang mas masakit bumungad sa kanya ang balita mula sa doktor na kinakailangang putulin ang kaliwang paa ng anak dahil sa mga nadurog na buto.
Kinahapunan dumating ang isang nagpakilalang ‘representative’ ng LS Tours Bus Co. Inc. Pinangako umano ng LS Tours na sila ang sasagot sa mga gastusin sa ospital at pagpapagaling ni Nell.
Pinanhawakan ito ni Feli hindi niya akalaing ito na pala ang una’t huling pagkakataon na makakausap niya ang tauhan mula sa LS Tours.
Naoperahan na si Nell… nakalabas na siya sa ospital at lahat subalit ni isang anino ng tauhan mula sa LS Tours hindi nagpakita sa kanila.
Umabot sa halagang anim na pung libong piso (Php60,000) ang nagastos nila sa ospital. Maliban sa butas na bulsa ng pamilya de Leon ang lubos na pinoproblema ni Feli ay ang masamang resultang dinulot ng aksidente sa kanyang anak.
Kakambal ng aksidenteng ito ang pangarap ni Nell na biglang naputol at natuldukan dahil lang sa isang bus na sumalubong sa kanya ng gabing yun.
Nag-file ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injuries si Nell.
Nagkaroon ng pagdinig ang kaso. Kwento ni Feli ilang beses na rin nilang nakausap ang drayber ng trak na si Orlando Lasic Villagarcia subalit pangisi-ngisi lang umano ito sabay sabing, “May abogado na po akong haharap diyan…”
Giit din ng drayber, matulin ang takbo ni Nell. Hindi umano siya ang may kasalanan.
Itinampok namin ang istorya ni Nell sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon).
Bilang agarang aksyon nirefer namin si Feli kay City Prosecutor Ferdinand Valbuena ng Prosecutor’s Office Caloocan upang tignang maigi ang kasong sinampa ni Nell laban sa drayber na si Orlando Lasic Villagarcia at LS Tours Bus Co. Inc.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa isang iglap nasira ang kinabukasan ni Nell. Ilan beses ko na rin sinasabi na kung maari huwag na lang sumakay sa motorsiklo dahil wala kang kalaban-laban kapag nasalpok ka sa aksidente. Mag –commute na lang kayo sa dyip o bus.
Kung pagbabasehan ang Traffic Accident Report ng Philippine National Police, Caloocan na isinagawa ni Investigating Officer SPO2 Fernan P. Romero, nakasaad dito na ang motor at minamanehong bus ni Orlando ay nagsalpukan ng magsalubong. Hindi naman naka-specify sa Police Description Accident kung paano sumalpok ang kaliwang bahagi ng motor ni Nell sa kaliwang unahang bahagi ng bus.
Ang tama ng motor ay sa bandang gitna kaya nga nadale ang binti nito. Kung ang motor ang bumangga dapat sa may bandang harapan. Hindi ganito ang nangyari kaya nga pinutol ang binti nitong binata.
Sa ating batas malaki ang pananagutan ng ‘bumping vehicle’ kapag aksidente ng sasakyan ang pinagtatalunan. May parusang hanggang apat na taon na pagkakakulong ang mapatunayang may kasalanan nito.
Maari ring habulin nila Feli ang halaga ng kanilang ginastos sa ospital kay Orlando. Kung sakali naman hindi masagot ni Orlando ang bayarin, sasagutin ng LS Tours Bus Co. Inc. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending















