Huwag tayong maging bulag

BAGO natin banghayin ang mga pagbasa ukol sa pagpapagaling ni Hesus sa isang bulag ay naalaala ko ang text sa akin ni Professor meus, Arsobispo Angel N. Lagdameo ng Jaro, Iloilo: “Are the Japanese a dif­ferent specie? They’ve been devastated by earthquake and tsunami yet there are no hoarding, no overpricing, no lootings. Stories of people giving not taking. A resto owner who lost his home yet gave free meals. People queque for hours on end to buy just for their needs so the next person has something left. Storeowners sell at d same price. What is it w/ these guys? They’ve everything yet they keep giving! Lord, bless the Japanese people. They may not bear your name, but surely obey your teachings”. Bilang Pilipino: Aray ko po! Idinagdag pa niya na:”In Iloilo we are making a collection for Japan. In 2008 typhoon Frank Japan help Jaro”.

    Ang paghirang ng Diyos sa magiging hari ng Israel ay hindi sa pamamagitan ng kakisigan, lakas at taas ng lalaki; hindi sa panlabas na anyo ng tao kundi sa kaibuturan ng puso ang tinitingnan ng Panginoon. Kaya’t sa dami ng anak na lalaki ni Jesse ang pinili ni Samuel ayon sa ipinahayag ng Diyos ay ang pinakabata at pastol ng mga tupa si David.

    Pinahiran siya ng langis at sumakanya ang Espiritu ng Panginoon. Ang kadalisayan ng ating puso ang pinagpapala ng Diyos . Gamitin natin ang tibok ng ating puso para sa ating pamumuhay na pawang liwanag sa kabutihan na pawang matuwid at totoo. Ang paalala ni Pablo sa mga taga Efeso ay huwag makisama sa mga gumagawa ng walang ibinubungang kabutihan kundi mga bagay na ang dulot ay kadiliman.

Si Hesus ay naparito upang ibigay sa atin ang pawang liwanag ng buhay at hindi kasalanan o kadiliman. Isina-halimbawa ni Hesus ang kanyang pagpapaga­ling sa nakita niyang isang la­laking ipinanga­nak na bulag. Sinabi Niya: “Habang Ako’y nasa sanlibutan, Ako ang ilaw ng sanlibutan.” Lumura si Hesus sa lupa, gumawa ng putik at ipinahid ito sa mata ng bulag; pinapunta Niya sa desposito ng tubig ng Siloe upang hugasan amg kanyang mukha. Pagbalik ng lalaki ay nakakakita na.

Kadalasan tayo din ay mga bulag o nagbubulag-bulagan sa pagtanaw sa liwanag ng kabutihan. Sa text ni Professor meus ay nakita natin na ang mga Japanese ay hindi nagbu-bulag-bulagan sa pagtulong sa kapwa. Panahon ngayon ng ating pagbabalik-loob sa Panginoon. Humingi tayo sa Kanya ng kapatawaran sa ating mga nagawang kasalanan. Patawarin mo po kami Panginoon!

1Sam 16:1b, 6-7, 10-13a; Salmo 22; Efeso 5:8-14 at Juan 9:1-41

Show comments