Hati-hati ang katawan at brutal ang ginawang pagpatay sa isang taong ang kasalanan lang ay umawat sa nag-aaway na mag -asawa.
Galing pa sa Dinalupihan, Bataan ang ‘complainant’ na si Helen Bahala, 31 taong gulang.
Inirereklamo niya ang marahas na pagpatay sa kanyang bayaw na si Noli Bahala, 32 taong gulang.
Ika- 17 ng Agosto, 2008, alas 7:00 ng umaga, inimbitahan sila ng isang Anggol Anoche sa ‘birthday party’ nito.
Nagpunta si Helen, kasama ang asawa niyang si Ronaldo at si Noli.
Nang pauwi na sila, nadaanan nila na nag-aaway ang mag asawang John Napao at Jennifer.
Inawat ni Noli ang dalawa dahilan para hamunin siya ni John.
“Ang tapang mo ah! Lalaban ka ba?,” sabi ni John.
Base sa ‘sinumpaang salaysay’ ng nakababatang kapatid ni Noli na si Grace, saksi siya sa sagutan ni Noli at John.
Pinuntahan niya ang dalawa. Naaktuhan niyang inaawat ni Jennifer si John.
Si John naman may hawak na itak sa magkabilang kamay sabay sigaw ng “Papatayin kita!”. Nakapiglas si John at nakawala sa asawa, sinugod nito si Noli.
Sumigaw si Grace upang makuha ang atensyon ni John ngunit tila wala daw itong naririnig.
“Nakita ko na sinalag ni kuya ang itak gamit lamang ang kanyang kaliwang braso at agad siyang napaluhod,” ayon kay Grace.
Hindi nakuntento si John. Kinubabaw umano nito si Noli. Pinagi-itak ng maraming beses sa kabila ng pagmamakaawa ng mga tao sa paligid nito.
Parang tuwang tuwa pa daw ito na nakikitang umiiyak si Noli at naririnig na umuungol habang tinatadtad ng saksak.
“Kitang-kita ko na tinaga niya sa ulo at kinuha niya ang kapirasong utak ng kuya ko at inihagis paitaas at nagsisisigaw siya ng “Yes! Napatay ko na si Kuya Noli”, ayon sa salaysay ni Grace.
Walang nagawa ang sinuman .
“Hindi na siya naawa. Paulit ulit niyang initak si Kuya Noli sa ulo. Hindi na nga humihinga pero sinaksak niya pa ito sa likod.” ayon kay Grace.
Nang masigurong patay na si Noli, agad na tumakbo palayo at tumakas si John.
Ayon naman sa salaysay na binigay ng kapatid ni Noli na si Rizalyn Capulong, nakahiga na si Noli ng maabutan niyang pinagsasaksak ni John.
Nadatnan niyang nanlilisik ang mga mata ni John habang kinukuha ang utak ng kanyang Kuya Noli. Nang naalis ang utak nagtatatalon si John sabay takas.
Sa takot ni Rizalyn hinintay muna nilang makalayo si John at saka sumaklolo sa kapatid. Patay na si Noli ng kanyang lapitan.
Kwento naman ni Helen, biyak ang ulo ni Noli hanggang ilong, tapyas ang kanyang labi at puno ng taga sa kanyang kamay, braso at sa likod.
Nabanggit ni Helen na nagkaroon ng alitan si John at Noli dahil lang sa pamumutol ng kahoy sa gubat. Nagkaroon daw ng samaan ng loob ang mga ito dahil sa panggugulang umano ni John.
Kasong ‘Homicide’ ang naisampa laban kay John sa Prosecutor’s Office ng Bataan.
Ang huling balita ni Helen ay nasa bukid lang si John at nag-uuling.
“Pagala gala pa rin siya sa Dinalupihan. Ang takot namin baka kami naman ang balikan ni John. Sobrang trauma ang dinulot sa akin nito. Sana matulungan n’yo kami. Gusto naming mahuli na siya at mapagbayaran ang pagpatay niya kay Noli,” panawagan ni Helen.
Maliban pa dito may pagkakataon na nakita umano ni Helen si John habang siya’y naglalakad sa kalsada. Sa sobrang takot niya ay nahimatay siya.
Tatlong taon ng patay ang bayaw niya hindi pa rin lumalabas ang ‘resolution’ ng kaso. Ito ang dahilan kung bakit sila lumapit sa amin.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang karumaldumal na pagpatay kay Noli.
Nakipag-ugnayan kami sa Department of Justice Action Center (DOJAC) upang hilingin ang ‘speedy resolution’ mula kay Provincial Prosecutor Angelito Lumabas
Sa tulong ni Prosec. Romeo Galvez, nagkaroon kami ng pagkakaton na maipaabot sa kanila na nagkaroon na ng speedy resolution ang kasong ito.
Hindi naman nagtagal nakarating sa amin ang impormasyon na lumabas na ang resolution. Nailabas na din ang ‘warrant of arrest’.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pamilya ng biktima ay nagtataka kung bakit kasong ‘Homicide’ lamang ang isinampa laban kay John dahil karamihan ng tama ay sa likuran. Maliban pa dito brutal ang pagpatay sa kanya.
Pinayuhan namin sila na kung hindi katanggap tanggap ang resolusyon ng taga-usig maari silang maghain ng ‘Motion for Reconsideration’ at kung sakali namang hindi baliktarin ng Investigating Provincial Prosecutor maari ding iakyat ito sa Department of Justice (DOJ) sa tanggapan ni Justice Secretary Leila De Lima upang maghain ng ‘Petition for Review’. (KINALAP NI AICEL BONCAY)
Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang talakayan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan.
I-text niyo lamang sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang inyong problema. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com