Magandang araw po, Dr. Elicaño at sa mga bumubuo ng Pilipino Star NGAYON.
Gusto ko lang pong ikunsulta ang nararanasan ng aking anak na bunso na laging umuugong ang kanyang taynga. Hindi naman daw po masakit ang kanyang taynga pero naiirita siya dahil umuugong. Sinisilip ko naman po ang loob ng taynga at baka mayroon siyang luga, pero wala naman.
Natatakot ako na baka siya mabingii dahil sa nararanasan niya. Kung minsan ay ayaw nang pumasok sa school ang aking anak dahil sa pag-ugong ng kanyang taynga. Ang aking anak ay 10-taong gulang, lalaki. Pagpayuhan mo po ako.—
Luz M. Navarro, Bgy. Pinyahan, Quezon City
Ipa-checkup mo kaagad sa EENT specialist ang iyong anak para malaman ang dahilan ng pag-ugong ng taynga. Huwag ipagwalambahala at ipagpaliban ang pagpapa-kunsulta lalo na’t ang problema ay sa taynga.
Ang taynga ay napaka-sensitive na organs at madaling ma-damaged. Kapag na-infect ang mga taynga, grabe ang sakit na idudulot hindi lamang sa bahaging infected kundi pati na sa mukha. Kapag nakaranas ng pagkahilo o totally na walang marinig, magpakunsulta agad upang maagapan ang kalagayan.
Ang pananakit ng taynga ay dahil sa impeksiyon na tinatawag na catarrh. Ito yung pamamaga ng mucous membrane especially sa ilong at sa lalamunan. Ang pagkakaroon ng glue ear (luga) ay dahil sa build up ng sticky mucus na nasa likod ng eardrum at kadalasang mga bata ang apektado. Sa isang pag-aaral, nadiskubre na ang mga sanggol na dumedede sa tsupon ang mas madalas magkaroon ng luga kaysa sa mga sanggol na dumedede sa ina.
Ang pagkabingi ay may dalawang uri: conductive deafness at nerve deafness. Sa conductive deafness, nahahadlangan ang transmission ng sound sa inner ear. Nagagamot ito. Sa nerve deafness, nangyayari ito dahil sa pagkadamaged ng auditory nerve. Ang labis na intake ng saturated fats ang itinuturong dahilan.
Pinaniniwalaang ang pagda-diet ay nakaaapekto sa function ng taynga kaya inirerekomendang kumain ng mayaman sa Vitamin A at thiamin.