Salisi Gang sa Aristocrat Restaurant

MASAKLAP ang sinapit ng balikbayang fashion designer habang kumakain sa Aristocrat Restaurant sa Roxas Blvd. Maynila noong Marso 21. Tinatawagan ko ng pansin si Manila Mayor Alfredo Lim sa pangyayaring ito.

Mantakin n’yo, habang ninanamnam ni Mrs. Remedios Robles ang masarap na pagkain sa Aristocrat, walang anumang natangay ng mga salisi gang ang kanyang bag na may laman na mahigit P1 milyon at mga alahas. Ika nga’y na-ten second mental block si Mrs. Robles nang biglang umeksena ang isang lalaki habang masaya silang nag-uusap ng kanyang asawang si Gonzalo at drayber.

Ang modus ay ganiri mga suki. Biglang lumapit umano ang lalaki at nagtanong kung kanila ang nakaparadang sasakyan sa labas ng restaurant. Biglang napatayo ang kanyang drayber at agad lumabas sa takot na may nangyari. Agad na sinundan ito ng kanyang mister na si Gonzalo upang alamin ang pangyayari. Naiwan si Mrs. Robles habang kausap ang lalaki na tila balisa habang may isang babae naman na palakad-lakad sa kanyang likuran. Sa puntong ito, nakakuha ng buwelo ang mga kampon ni Satanas, sinamantala ng babae sa likuran ang pagkalito ni Mrs. Robles at agad nadampot ang bag na nakapatong sa katabing upuan. Umalis na rin naman kaagad ang lalaking kausap ni Mrs. Robles.

Habang hinihintay ni Mrs. Robles ang pagbalik ng kanyang asawang si Gonzalo at drayber, ipinasya niya na magbayad na ng kanilang kinain dahil tapos na rin naman silang kumain. Tinawag niya ang waiter at hiningi ang bill. Umalis ang waiter para kunin ang bill. Noon niya kinapa ang bag na nasa tabi niya at nagulat siya nang makitang wala na ang bag na naglalaman ng $700, 24k gold heirloom necklace worth P1 million, jade pendant with three diamonds worth $1,100, Blackberry Cellular phone worth P35,000, RCBC (bank book, dollar bank book, ATM card, Master card, Visa card, check book, BDO credit card, 2 US passport ng mag-asa­wang Robles at Philippine Senior Citizen.

Nagsisigaw si Mrs. Robles upang makatawag ng pansin sa mga nasa restaurant. Subalit walang lumapit na waiter, waitress at guwardiya upang tumulong. Susmaryusep.! Alam kaya ng management ng Aristocrat ang kanilang responsibilidad sa mga customer? Sana gumawa man lang ng hakbang ang management. Ang ginawa ni Mrs Robles ay nagtungo sa Manila Police District headquarters upang ireport ang kanyang sinapit. Agad pinakilos ni Chief Insp. Arthur Paras ng Theft and Robbery Section ang kanyang mga tauhan upang hanapin ang mga suspek.

Habang sinusulat ko ito, unti-unti nang nalalag­lag sa kamay ng pulis­ya ang mga miyembro ng Salisi Gang. Inginuso sila ng isang sidewalk vendor. Abangan sa sunod na isyu ang pagbaklas ko sa maskara ng grupong salisi na sumasalakay sa mga establisimento kabilang ang Aristocrat Restaurant.

Show comments