Inasam madoble ang kayamanan

MAGKAIBIGAN ang matsing at pagong. Nakatira ang matsing sa puno sa tabing-dagat, kung saan naman may bahura na tirahan ng pagong. Araw-araw naglalaro sila, at sabay kumakain.

Isang araw, sa kamalasan, nabihag ng mangangaso ang matsing. Kinadenahan ng mangangaso ang baywang ng matsing at kinaladkad papalayo. Nabahala ang pagong sa sinapit sa kaibigan. Nilangoy niya ang ilog para makahabol. Nakiusap siya sa mangangaso: “Pakawalan mo ang kaibigan ko, at ikukuha kita sa dagat ng pinaka-magandang perlas.”

Agad umoo ang mangangaso sa palitan. Kinaladkad niya pabalik sa tabing-dagat ang naka-kadenang matsing. Lumangoy naman ang pagong patungo sa wawa. Sumisid ang pagong. Makalipas ang ilang minuto, umahon siya na may pangal-pangal sa bibig na napaka-busilak na perlas. Iniabot niya ito sa mangangaso, at nagwika, “O hayan ang ransom, pakawalan mo na ang kaibigan kong matsing.”

Kinuha ng mangangaso ang perlas at pinag-aralan itong mabuti. Imbis na kalagan ang kadena, anang ma­nga­ngaso: “Naisip-isip ko, kulang ang kabayarang isang perlas para sa kalayaan ng matsing. Dapat dalawang perlas, saka ko siya pakakawalan.”

Mabilis ang sagot ng pagong: “Palayain mo muna ang kaibigan ko. Tapos, ibalik mo sa akin ang perlas at lulusong ako sa dagat para ihanap ka ng kasing-busilak na kapares niyan.”

Inalis ng mangangaso ang kadena sa matsing, na tu­ malilis patungong gubat. Pinangal muli ng pagong ang perlas, at lumusong sa tubig-dagat. Tumawa siya at sinigawan ang mangangaso: “Hindi ako tanga na kukunin ang isa para bigyan ka ng dalawa nito. Babay.” Saka lang nabatid ng mangangaso ang pagkakamali at kasuwapangan niya.

* * *

Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, sa DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments