Editoryal - Hindi sana masayang ang oras ng Senado
SAYANG naman kung walang mangyayari sa ginagawang pagdinig ng Senado sa kaso ng mga dating AFP comptrollers Carlos Garcia at Jacinto Ligot. Marami nang pagdinig na naisasagawa at naimbitahan na rin ang asawa at bayaw ni Ligot. Noong nagsisimula ang pagdinig noong Pebrero, nayanig ang bansa sa ginawang pagpapatiwakal ni dating AFP chief of Staff Angelo Reyes na inakusahang tumanggap ng pabaon. May kaugnayan ang pagpapatiwakal sa inaakusa sa kanya at nadamay pa ang kanyang maybahay. Ngayon wala nang balita kung ipatatawag pa ang maybahay ng yumaong dating secretary ng defense o tinaglay na sa hukay ang lihim.
Gayunman, patuloy ang pagdinig ng Senado. Pero ang tanong ay kung meron nga bang mararating ang pagdinig at merong mapaparusahan dahil sa pagbubulsa ng milyun-milyong pondo ng AFP. Mahirap makapag-conclude sapagkat hanggang ngayon ay hindi mahuli ng mga senador ang mga iniimbitahan kaugnay sa nilustay na pondo.
Isa sa ginagamit na pananggalang ng mga iniimbitahan ay ang mga salitang “invoking the right against self-incrimination”. Kapag ganito na ang sinabi ay wala nang magawa ang mga senador particular si Sen Jinggoy Estrada na kahit anong gawing estilo ng pagtatanong ay laging ang “right against self-incrimination” ang sinasagot.
Kahapon, pawang ang mga salitang ito ang narinig sa inimbitahang si Erlinda Yambao Ligot, asawa ni Jacinto Ligot. Natapos ang pagtatanong kay Mrs. Ligot na pawang “invoking the right against self-incrimination” ang pinangsangga kay Jinggoy. Maski ang tinanong ni Jinggoy na kung ang Erlinda Ligot at Erlinda Yambao ay iisa ang sagot pa rin ni Mrs. Ligot ang “invoking the right against self-incrimination”. Maski nang itanong ni Jinggoy kung nagtungo na ba si Mrs. Ligot sa US ay ganoon pa rin ang sinagot “invoking the right against self-incrimination”.
Wala pang nakikitang liwanag kung may mapaparusahan sa kontrobersiyal na kasong ito. Sana naman ay mayroon dahil sayang naman ang paghihirap ng Senado. Marami nang oras ang naitutuon nila rito kaya dapat lang may magandang resulta pabor sa mamamayan na nagsasawa na sa nangyayaring katiwalian.
- Latest
- Trending