Amoy uulan, amoy ng Diyos

MARSO 10, 1991, nang i-caesarean si Diana ng Irving, Texas, dahil sa komplikasyon nu’ng ika-6 buwan ng pagbubuntis. Iniluwal niya si Dana, 12 inches at one pound-nine ounces lang, sobrang premature. Napaluha sila ng asawang si David sa inilahad ng doktor: “Malamang hindi siya mabuhay sa magdamag. Kung mag-survive man, hindi siya makakalakad at makapagsasalita; malamang bulag, at tiyak na magiging sakitin at may cerebral palsy.” Ni hindi makarga ni Diana ang sanggol; dahil hindi pa buo ang nervous system, masakit ang miski tapik lang sa kanya. Kasama ang anak na si Dustin, 5-taong gulang, pinanood lang nila si Dana magpumilit mabuhay, kung anu-anong karayom at tubo ang nakatarak, sa incubator ng ultraviolet lamp.

Pero sa tulong ng dasal ng mga kaanak at kaibigan, sumigla si Dana. Nang dalawang buwan, maari na siyang hawakan. Hindi lang ‘yon: medyo bansot, pero normal lahat: muscles, buto, organs, at utak. Pinauwi na siya ng doktor.

Minsan, nu’ng 5-taong gulang na si Dana, isinama siya ni Diana manood ng baseball game ni Dustin sa field. As usual madaldal ang bata. Di nagtagal, kumulimlim, umihip ang hangin, at nagkaalimuom.

Biglang tumahimik si Dana, niyakap ang braso ng ina sa kanyang dibdib, at nagtanong, “Naaamoy mo ‘yun?”

“Oo, amoy bubuhos ang malakas na ulan,” sagot ni Diana.

Pumikit si Diana at muli nagtanong, “Naaamoy mo, Mommy?”

“Oo, amoy malapit na tayong mabasa.”

Umiling si Dana, “Hindi, amoy Niya ‘yan. Amoy ‘yan ng Diyos kapag idantay mo ang ulo sa dibdib Niya.” Saka

 siya nagtatakbo sa field.

Alam ni Dana. Diyos ang kasama niya nu’ng Marso 1991, yakap-yakap sa dibdib Niya, nang naghihirap sa incubator.

* * *

Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).  

E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments