Sa warii’t hindi parang naiiba
nangyayaring gulo sa bansa ng Libya;
Kaguluhan doon ay isa nang gyera
pagka’t magkalaban ay armado kapwa!
Kampo ni Khadafi handa at armado
ang kalaban naman kababayan nito;
Hindi masasabing maganda nga ito
sapagka’t civil war sumiklab na rito!
Una’y inakalang ang gulo sa Libya –
hanap ng rebelde – laya’t demokrasya
Pero bakit kaya rebelde ang asta –
kontra sa gobyerno ay armado sila!
Ubusan ng tao, ng bala at kanyon
doo’y naghahari sa bawa’t maghapon;
Kaya dapat lamang umalis na roon
mga Pilipinong may empleo roon
Sayang na sayang nga’t hindi people power
ang panig ng doo’y laban sa government;
Kung ila’y payapa at walang armament
ang tagumpay nila atin ding dalangin!
Kaya nagtatanong ang maraming tao
bakit magkaaway ay kapwa armado?
May iba bang bansa na kasali rito’t
ang mga rebelde’y siyang suportado?
Armas ng rebelde’y armas ni Kadhapi
na s’yang ginagamit ng mga inapi?
Dahil matagal nang siya’y naghahari
lumaban sa kanya’t ayaw pakandili!
Kaya tumpak lamang mga Pilipino –
ilikas ng DFA – ng ating gobyerno;
Mga naillikas pasalamat kayo’t
ang ilikas pa’y hangad ng Pangulo!
Dahil malubha na takbo ng labanan –
itong si Kadhapi ay lalong tatapang;
Ang kaaway niya’y kanyang kababayan –
ang makapagbababa’y tanging kamatayan!