Mercury rising
ANG pinakamainit na balita nitong nakaraang weekend ay walang kinalaman sa anumang aktibidades ni P-Noy, ni Merci, ng ex-generals o ng mga Mahistrado. Para sa karaniwang Juan de la Cruz, mga usapang kalusugan ang sentro ng huntahan.
Sa larangan ng panggamot ng sakit, matagal nang namagitan ang estado upang pagaanin ang dalahin ng mga kababayang hindi kayang proteksyunan ang sarili. Sa mga PWD o persons with disabilities, ang anyo ng tulong ay sa pamamagitan ng diskuwento sa gamot na binebenta sa botika. Ang kaso’y tanging ang Watson’s chain ang tumugon sa hikayat ng gobyerno. Ang higanteng drugstore chain na Mercury Drug ay sa halip na makiisa’y pinangunahan pa ang pagkilos upang kontrahin ang regulasyon. Ilang kababayan din natin ang tinalikuran ng Mercury Drug sa oras ng matinding pangangailangan.
Well, mukhang sa wakas ay nahimasmasan na ang Mercury dahil inanunsyo na ng pamilya Que kamakailan na tutupad na rin sila sa obligasyon nila bilang tao. Pakibalita na lang kaibigan sa lahat ng kakilalang may kapansanan o sakit na maituturing silang PWD na ang 20% discount sa gamot sa Mercury ay binibigay na rin.
Sa panig naman ng reproductive health, nalipat ang sabong mula Kongreso patungo sa bagong cockpit sa Muntinlupa nang inako na ng milyonaryong Barangay Ayala Alabang ang ilang mga kapangyarihan ng pamamahala mula sa kamay ng matataas na kagawaran ng gobyerno. Sa isang iglap, ang Barangay ay naging mini-FDA (food and drug administration), mini-advertising board, mini- DepEd at mini-Congress. Pinagbawal nila sa kontrobersyal na ordinansa ang ilang mga gamot na hindi naman bawal sa FDA, ang ilang advertising na wala ring halintulad na bawal ng adboard, ang pagturo ng sex
education na hindi pa pinagpapasyahan ng DepEd at ang pagbenta ng gamot at ibang kagamitang pang family planning tulad ng condom at pildoras nang walang reseta.
Ang mga ordinansa ng mga lokal na Sanggunian ay nirerespeto dahil sa katotohanang mas alam ng mga lider ng komunidad ang niloloob at panganga ilangan ng kanilang kinasasakupan. Subalit kailanman ay hindi ito maaring lumabag sa batas. At kung hindi sang-ayon sa sitwasyong nagaganap, makilahok at subukan itong baguhin. Sa isang demokrasya, ang paninindigan ng ilan ay hindi maaring manaig sa paniniwala ng nakararami.
- Latest
- Trending