Nasaan ang prinsipyo?
KASABAY ng pagsasaya ng sambayanang Pilipino nang sumapit ang ika-25 anibersaryo ng EDSA People Power ay napakaraming negatibong pananalita ukol sa kinalabasan ng bansa matapos mapatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos. Sinasabi nilang wala silang nakitang malaking pagbabago nang maagaw na ang gobyerno kay Marcos. Sa katunayan daw, lalo pang sumama ang takbo ng pamumuhay ng mga Pinoy.
Napansin daw nila na ang mga Pinoy ay hindi naging masikap sa kanilang mga tungkulin bilang isang mabuting mamamayan partikular na sa mga gawaing magbibigay asenso sa kanilang kabuhayan at ikabubuti ng ekonomiya ng ating bayan. Lalong naging grabe ang Pilipinas sapagkat ilang mandarambong ang inihalal upang magpatakbo ng bansa.
Marami sa mga Pinoy ang hindi nagbago. Tamad pa rin sila. Mahilig pa rin silang umasa sa lagay-lagay at sa mga madaling pagkakitaan tulad ng sugal at droga. Mas masaya sila kapag pulitika ang aatupagin lalo na kung mayroong pagkakakitaan dito. Sa halip na ang pairalin ay ang prinsipyo, pagkagahaman sa salapi ang pinanaig.
Di nga ba balitang-balita na ang mga Pinoy ay madaling makalimot sa mga kasalanan at atraso ng kanilang kapwa. Sa kaunting salapi, makakalimutan na nito ang mga nagawang kasalanan ng iba. Totoo ito lalo sa pulitika. Dati nang hindi binoto ang isang kandidato dahil sa pangungurakot, heto na naman at ikinampanya na naman nila ito dahil may lagay. Kamuntik pa ngang manalong presidente.
At hindi lamang ‘yan. Ang asawa ni Marcos na si Imelda na kinasusuklaman ng mga Pinoy ay nahalal na representante ng Ilocos Norte. Ang mga anak nila na si Imee at Bongbong ay nahalal na gobernador at senador. Nasaan na ang prinsipyo ng mga Pilipino? Ilan pa lamang ang mga ito sa mga dahilan kung bakit hindi umasenso ang Pilipinas at marahil ay hindi na nga makakausad pa ang bansa kung hindi tayo magbabago. Kahit na gaanong galing pa ni P-Noy, kung hindi naman tayo makikipagtulungan sa kanya, ay wala ring mangyayari.
- Latest
- Trending