Mga kumakalat na kabulaanan

EWAN ko sa inyo, ang turo pero sa henerasyon ko nu’ng bata pa’y hindi katapangan o kagitingan ang pagpapakamatay. Sa halip kaduwagan ito na harapin ang pagsubok sa buhay, at kahinaan ng pagkatao. Tinuturing itong kasalanan sa Diyos, sa lipunan at sa kapwa: walang pinagkaiba sa pagpatay sa ibang tao.

Ewan ko sa inyo, pero ang pangaral sa henerasyon ko’y akuin ang pagkakamali, ituwid ang ginulo, at iwaksi ang masamang asal. Hindi kinukunsinti ang pagmamatigas sa kamalian, ang pag-ubaya sa iba ng pag-aayos ng ginulo, at pananatili sa kasalanan. Tungkulin ng magulang ipa-kulong ang sariling anak na salot sa lipunan. Nagbibitaw sa puwesto kapag inukilkil ang gawi, saka lang hinahamon ang naninirang-puri.

Ewan ko sa inyo, pero sinanay ang henerasyon ko na pakaisipin muna mabuti ang gagawin: pagbili ng kagamitan, pagsali sa asosasyon, pagboto, pagpili ng career, pag-aasawa, o pagtrato sa kapwa. Kaya kung sumablay man, konti lang ang epekto.

Ewan ko sa inyo, pero ang henerasyon ko lumaban sa katiwalian at pang-aapi. Hindi nanahimik ang mag-aaral at kabataan habang nangungurakot at nang-aabuso ang mga nasa poder. Naka-tatlong pangmalawakang pag-aaklas tuwing 15 taon: nu’ng First-Quarter Storm of 1970, nu’ng 1986 EDSA People Power Revolt, at nu’ng 2001 People Power-2. Kung minsan nagdududa kami kung tumatalab ang pakikibaka namin. Pero handa kaming magmartsa muli sa 2016, isa pang 15 taon at katapusan ng termino ni P-Noy, kung kakailanganin.

Ewan ko sa inyo, pero ipinukpok sa henerasyon ko na matakot sa Diyos. Ito’y hindi para maiwasan ma-Impiyerno, kundi dahil nasasaktan Siya sa kasalanan natin. Nirerespeto ang mga obispo pero hindi bulag na sumusunod sa sabi-sabi nila, dahil binigyan tayo ng Diyos ng free will.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments