MAGDADALAWANG buwan na mula nang simulan ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) pero hanggang ngayon ay wala pang nakikitang linaw kung may mga heneral na mabubulok sa bilangguan. Ang mga dating AFP comptroller na sina Carlos Garcia at Jacinto Ligot ang nasa gitna ng kontrobersiya. Nadiin ang dalawa nang biglang lumutang ang budget officer na si Lt. Col. George Rabusa at isiwalat ang mga nangyayaring katiwalian sa paghawak ng pondo ng AFP. Sila-sila ang mga magkakasama noon kaya maliwanag na naidetalye ni Rabusa ang mga nangyari sa pondo. Pati ang mga pabaon at pasalubong sa mge heneral ng AFP ay nabunyag. Nagawa namang kitlin ni dating AFP chief at secretary Angelo Reyes ang sariling buhay dahil sa isyu ng pondo ng sandatahang lakas. Isa si Reyes sa nakatanggap umano ng milyong pisong pabaon, ayon kay Rabusa.
Pero malaking palaisipan kung bakit hindi gumagalaw o umuusad ang imbestigasyon ng Senado. Maraming naiinip kung kailan may mga heneral ng AFP na maitatapon sa madilim na kulungan. Gusto ng mamamayan na pagdusahin ang mga heneral na nagkamal nang maraming pera. Pero paano nga ba may makukulong kung ganito kabagal ang imbestigasyon ng Senado.
Nakadagdag sa mabagal na pagkilos ng imbestigasyon ang hindi pagdalo ng mga inimbitahan. Ang asawa ni Ligot ay hindi nakadalo noong Huwebes dahil naka-confine umano sa ospital. Ang iba pang heneral ay mayroon din umanong karamdaman kaya hindi nakadalo samantalang ang iba pa ay ganundin ang dahilan — pawang nagkasakit. Sabi ni Sen. Teofisto Guingona III, Blue Ribbon Chairman, kapag may hearing daw ay naglalabasan ang sakit ng mga iniimbitahan.
Kung sa bawat pagdinig ay laging may dahilan ang mga iniimbitahan, ano ang aasahan sa imbestigasyon. Maaaring walang katunguhan at ang mga kinulimbat sa pondo ay malimutan na lang. Walang maaasahang mabubulok sa piitan.