BUONG bansa’y nakahinga nang malalim sa palugit na ibinigay ng China sa takdang execution ng tatlo nating kababayan. Hindi madali ang makiusap na tiklop tuhod lalo na sa China na mainit pa ang ulo sa nangyaring Luneta hostage fiasco.
May mga diskumpiyado sa kung ano ang nakatagong intensyon ng higanteng world power sa pagiging magaang ang kamay sa Pilipinas. Marami nang bansa, kasama ang Great Britain at Japan, ang naunang nakiusap para sa kanilang kababayang “drug trafficker” subalit hindi napagbigyan. May koneksyon kaya sa ibang usapin kung saan kailangan ng China ang suporta ng Pilipinas?
Marami ang nagtrabaho upang makamit ang magandang resulta – katakut takot na behind the scenes ang kailangan sa ganitong top-level na negosasyon. Gayunpaman ay hindi maitatatwa ang papel na ginampanan ni Vice President Jejomar Binay. Ang kanyang opisina at reputasyon ang itinaya – kung sakaling hindi ito napagbigyan ay mabigat din ang bubunuin niyang kahihiyan. Maaring walang tiyak na sukatan kung gaano katimbang ang kanyang partisipasyon. Subalit kitang-kita ang ebidensiya: hindi itinuloy ang execution by lethal injection.
Charm diplomacy ang itinawag sa istilo ni Vice President Binay. Sa mga nakakakilala sa kanya, Binay na Binay ang ganyang paglambing sa katunggali. Malumanay na boses, patapik-tapik sa balikat, yakap ng kaibigan. Subalit sa panahon ang pagkagipit, wala ka nang mas gugustuhin na kakampi kaysa kay Rambotito ng Makati, front liner sa EDSA 1, gallantry medal winner sa retaking ng Channel 4 at Camelot Hotel nung 1986 coup, at tanging naglakas loob na bigyang daan ang boses ng kalayaan at katwiran sa Makati nitong mga madilim na taon ng GMA administration.
Ewan ko sa iba subalit para sa akin, ang ganitong uri ng karakter – may diplomasya at may paninindigan — ay bagay na bagay sa isang par-tikular na posisyon sa Gabinete, lalung-lalo na kung iisipin na siya lamang kasunod ni P-Noy ang may mando ng buong ka pulungan. Tutal malapit nang mabakante ang posisyon – bakit hindi na lang si Vice President Jejomar Binay, Secretary of Foreign Affairs?