'Batang palengke.'
TINUTUKAN ng ice pick sa leeg ng isang binata ang noo’y nakatambay sa isang bakanteng lote sa Comembo, Makati.
Sinindak ito ng kalabang karibal na grupo para ipakita na sila ang may hawak sa lugar na yun sa Balimbing St. nung ika-13 ng Disyembre 2010.
Ang isang grupo kinabibilangan nina Aron Umabao, 18 at iba pang menor de edad na itatago namin sa mga pangalang Nikko, Benjie at Ken.
Ang pakikipagmabutihan nitong si Benjie sa kaaway sa mga kalabang tropa na itatago namin sa pangalang ‘Boy’, ang umano’y dahilan kung bakit sinaksak siya ng sampung beses na muntik na niyang ikamatay.
Siya si Jamiro Omabao Alvarado, labing pitong (17) taong gulang.
Laking palengke si Jamiro. Sa edad na 13 taon nag-uuling na siya sa palengke ng Comembo. Halagang isang daan limampung piso (Php150.00) ang sweldo niya kada araw. Pangalawa siya sa walong magkakapatid. Ang ama niyang si Rolando ay umiekstra lang sa construction habang tumatanggap naman ng labada ang kanyang ina.
Siya lang at ang panganay na kapatid na kargador sa palengke ang inaasahan ng kanilang malaking pamilya na bumuhay sa kanila.
Hindi alintana ang nangangalay na kamay sa kakakayod ng niyog. Kadalasan alas-otso na ng gabi kung makauwi itong si Jamiro laluna’t kapag kalakasan ng benta.
Ika-13 ng Disyembre bandang alas otso ng gabi nasa bahay na si Jamiro.
Dahil 4:30 ng madaling araw nasa palengke na siya, nakasanayan na ni Jamiro na matulog sa mahabang silya sa labas ng kanilang ‘compound’ dahil mahangin dun.
Lampas hatinggabi, mga ala una y medya ng umaga.. Mahimbing ang tulog nito nang marinig niya ang malalakas na sigawan sa kalye ng Balimbing.
“P*7@*6 i*@! Gago!... Dali pare!”, mga murang kanyang narinig.
Sa wari ni Jamiro nananaginip lang siya. Minulat niya ang kanyang mata at nakita niya ang nagkakagulong kalalakihan sa di kalayuan. Nakilala niya ang mga lalakeng ito. Sina Nikko, Benjie at Ken, mga dating kaibigan ng kanyang pinsan na si Aron.
Naabutan niyang nanakbo ang pinsan papunta sa loob ng kanilang compound habang hinahabol nitong tatlo. Nakatakas si Aron. Nakita niya sina Benjie na masama ang titig sa kanya. Tingin na parang siya umano ang pagbabalingan. Napaisip si Jamiro, “Naku! Ako ang babalikan nito!”.
Pumasok siya sa loob. Sinubukan niyang iligtas ang sarili. Kinatok niya ang unang pintong nakita. Ang bahay ng kanyang tiyahing si Clarita.
“Pagbuksan ninyo ko! Tulungan niyo ko!” sigaw ni Jamiro.
Walang nagbukas ng pinto. Naabutan siya nina Benjie, Nikko at Ken. Nasukol siya. Pinalo siya ng kahoy ni Nikko.
“Huwag! Maawa kayo. Ano bang atraso ko?” wika ni Jamiro.
Pinansalag ni Jamiro ang braso subalit dito na siya umano pinagsasaksak ni Benjie. Napuruhan siya. Tinira rin siya ng saksak sa kaliwang tagiliran ng kanyang katawan. Nagtamo siya ng sampung (10) saksak at taga sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan.
Tutuluyan na sana umano siya ng tatlo kung hindi lang nagising ang kanyang tiyuhin. Nagsilabasan ang mga ito at sinigawan ang mga taong tumitira kay Jamiro. Nagpulasan ang mga ito.
Mabilis na sinugod si Jamiro nang noo’y naliligo sa kanyang sariling dugo sa Ospital ng Makati (OSMAK).
Nagsampa ng kasong Frustrated Murder si Jamiro sa Prosecutor’s Office, Makati. Nagkaroon na ng dalawang pagdinig ng kaso subalit hindi sumipot ang tatlong suspek.
Sa ngayon nagtatago na umano ang tatlo maging ang mga magulang ng mga ito ayaw silang harapin.
Nakaramdam ng pamamanhid sa kaliwang braso itong si Jamiro. Pina-x ray nila ang braso niya upang makasigurado sa kalagayan nito. Lumabas sa x-ray result na may naputol na ugat sa braso ni Jamiro.
Kinakailangan niyang maoperahan sa lalong madaling panahon. Malagyan ng AB Gortex ang kanyang braso kung hindi puputulin ito.
Dalawang buwan na mula ng mangyari ang insidenteng ito subalit nakabenda pa rin ang braso ni Jamiro. Patuloy pa rin ang pagdurugo ng kanyang sugat sa braso.
Halagang Php25,000 ang kakailanganin para sa paglagay ng AB Gortex. Hindi malaman ng pamilya ni Jamiro kung saan kukuha ng pera pangpaopera ng anak.
“Sinabihan na kami ng doktor na kapag patuloy na namanhid ang braso ko… nangitim na ito at nagkaimpeksyon. Siguradong putol ang braso ko,” nangangambang pahayag ni Jamiro.
Itinampok namin ang istorya ni Jamiro sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat “ sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon).
Bilang tulong, ini-refer namin si Jamiro sa tanggapan ni City Prosecutor Feliciano Aspi ng Prosecutor’s Office ng Makati para sa kanyang reklamo.
Maliban pa rito, inilapit din namin sila sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kay Atty. Jose Ferdinand “Joy” Roxas II, ang General Manager ng PCSO at ang main host ng programa sa radyong “Pusong Pinoy” ng DWIZ882.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung pagbabasehan ang kwento sa amin ni Jamiro, malinaw na siya ang binalingan ng tatlong suspek dahil hindi sila nagtagumpay na balikan ang kanyang pinsang si Aron.
Ang mga rambol o away ng mga kabataan ay nakakalungkot dahil sa kanilang murang edad ay napakapusok na nila.
Kahit saan daanin walang panalo sa away ng mga barkada. Lahat kayo masisira lamang ang inyong mga kinabukasan! (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari rin kayong magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
NAIS KONG batiin si Alice D. Lopez at ang kanyang bagong bukas na salon na ang ‘Beauty HQ Salon and Wellness Spa’ sa Pacita Road, San Pedro, Laguna. Congratulations sa iyong napakagandang lugar.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending