HINDI ko alam kung napaka-tigas ni Roger Dominguez o dahil sa tagal nang nasa mundo ng krimen ay hindi na nag-iisip. Nahuli ang kapatid ni Raymond Dominguez sa Quezon City, nang mag counterflow ito at napansin ng mga pulis. Hindi niya siguro narinig ang talumpati ni President Aquino sa kanyang inagurasyon, na wala nang wangwang at wala nang counterflow sa kanyang administrasyon. Mabuti naman at mahigpit ang mga humuli sa kanya dahil sa paglabag ng direktiba na galing mismo kay P-Noy! Mabuti naman at may hinuhuli na ang mga pulis!
Nalaman din ng mga otoridad kung saan nakaparada ang Toyota Land Cruiser na ninakaw kay Venson Evangelista. Nakaparada sa lugar na tinutuluyan ni Roger Dominguez. Iba ang nakakabit na plaka pero nang suriin ang numero ng chassis ng sasakyan, kumpirmado na ito nga yung nakaw na sasakyan! Bukod pa roon, may nakita pang baril sa kanyang tinutuluyan. At sa pagsusuri ay nalaman na ang dating may-ari ay walang iba kundi si Raymond Dominguez! Patung-patong na ang ebidensiya laban sa magkapatid na Dominguez ang hawak. Ano kaya ang masasabi ng mga nagpahayag na hindi carnapper ang magkapatid na Dominguez? Ano kaya ang paliwanag kung bakit nasa kanila ang sasakyan ni Evangelista? Ang tanong, magiging matagumpay na ba ang gobyerno sa paglitis sa magkapatid, na tuwing nahuhuli ay nakakapiyansa at nakakalaya naman?
Sa ibang bansa, ang mga ebidensiyang ito ay sapat na para magkaroon ng hatol kaagad. Katulad ng kaso ni Ronald Singson sa Hong Kong na napakabilis tumakbo. Halos isang taon pa lang o wala pa, may hatol na kaagad. Sentensiya na lang ang hinihintay. Malinaw na kasi ang ebidensiya. Dito, baka kung anong dahilan pa ang mabibigay para pansamantalang makalaya pa! Pero kahit nasa kamay na ng mga otoridad ang magkapatid na Dominguez, mukhang nagpapatuloy pa rin ang pagnakaw ng sasakyan. Kung bakit nagpapatuloy pa rin ito kahit mainit na ang carnapping sa siyudad ay magpapatunay na walang takot ang mga otoridad sa PNP. Wala silang kaba na mahuhuli sila. Bakit? Baka naman nandiyan pa yung sinasabing opisyal na pinoprotektahan ang mga carnapper na iyan? Tuluyan na bang mawawala ang carnapping sa Metro Manila ngayong hawak na ng mga pulis ang magkapatid na Dominguez? O may iba pa at mas malaking sindikatong nasa likod ng nagaganap na carnapping ngayon?