Amnesty sa 'overstayers' sa Saudi Arabia
Napag-usapan namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang inialok ng Saudi Arabia na amnesty sa mga dayuhan na iligal na nananatili sa naturang bansa. Ayon kay Jinggoy, ang amnestiyang ito ay mahalagang samantalahin ng mga Pilipino.
Base sa anunsyo ng Saudi Arabia, ang amnesty, na alinsunod sa direktiba mismo ni Saudi King Abdullah bin Abdul Aziz al Saud, ay epektibo sa loob ng anim na buwan mula noong Setyembre 23, 2010 at magtatapos sa Marso 23, 2011.
Karamihan umano sa mga overstayer ay nagpunta sa Saudi para sa pilgrimage o kaya naman ay bisita ng kanilang mga kaanak na nagtatrabaho roon pero ang mga ito ay hindi na lumabas sa naturang bansa sa kabila ng pag-expire ng kanilang visa. Isinasaad sa amnestiya na ang overstayers ay hindi muna huhulihin at parurusahan, at sa halip ay papayagan na lang makauwi sa kani-kanilang bansa.
Kaugnay nito ay kailangang asikasuhin ng mga ito ang pag-a-apply sa amnestiya sa Department for Foreigners’ Affairs ng Saudi. Ang mga hindi umano tatalima sa direktiba at mananatili pa rin sa Saudi sa pagtatapos ng amnestiya ay mahaharap sa mabigat na parusa tulad ng pagkakulong at pagmumulta nang malaking halaga. Parurusahan din ang mga kaanak o sinuman na nagkakanlong ng overstayer.
Ayon kay Jinggoy, ang usaping ito ay mahalagang pag-aralan at talakayin muli ng mga opisyal ng ating pamahalaan, kasama ng mga samahan ng OFWs at mga OFW support group. Kailangang mahikayat at matulungan ang ating mga kababayan na overstayer sa Saudi na magamit nila ang amnestiya upang hindi sila maparusahan at hindi rin mapahamak ang kanilang mga kaanak o kaibigan na tinitirahan nila roon.
- Latest
- Trending