MULA SA MALAYONG lugar naglakbay ang isang anim na pu’t walong taong gulang (68 yrs old) ginang para ilapit ang problema ng kanyang anak na OFW. mula Buena Vista, Quezon Province hanggang Maynila.
Siya si Ma. Remedios Nacor o“Remy” at galing siya sa Buena Vista, Quezon Province. Nakulong ang kanyang anak na si Ranel sa Um Salal Jail, Doha Qatar.
Kasama niya sa kulungan ang labin tatlo pang mga Pinoy OFW’s dahil sa umano’y pagnanakaw ng ‘cable wires’.
Dating bus drayber sa Prince Bus Company na may rutang Alabang-Fairview si Ranel. Taong 2008 ng mahikayat pumunta sa Doha, Qatar si Ranel kasama ang iba pang bus drayber.
Nangangailangan ng mga trak draybers naghahakot ng mga bato at buhangin. Mas malaki ang sweldo sa Doha kumpara sa sinasahod niya sa Maynila kaya’t kinagat niya at sinunggaban ang alok. Agad siyang umalis ng bansa.
Maayos naman ang sitwasyon ni Ranel sa Qatar. Buwan-buwan nakapagpadala siya ng sampung libong piso (Php10,000) sa kanyang asawang si Lucia at dalawang anak sa Laguna.
Buwan ng Nobyembre 2010, nang makatanggap ng tawag si Remy sa katrabaho ni Ranel na si Jay.
“Nay, ang anak niyo po. Si Ranel… nakakulong. Pagbalik ko po sa barracks nalaman ko na lang hinuli na siya ng mga pulis na Arabo kasama ang ilan naming kasamahan,” sabi ng katrabaho ni Ranel na si Jay.
Nasangkot daw itong si Ranel sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot. Itinuro siya ng isang Arabo na umano’y pinagbentahan niya ng gamot kaya’t dinakip siya ng mga pulis.
Nakiusap siya kay Jay kung pwedeng makausap si Ranel. Kinumpiska naman sa kulungan ang kanilang mga cell phone. Tuwing Lunes ng gabi lang pinapayagang makatawag ang mga bilanggong Pinoy sa kanilang pamilya. Nun lang niya nakausap si Ranel.
Diretsong tinanong ni Remy ang kanyang anak, “Ano bang naging problema mo dyan? Bakit ka nakulong? Totoo bang nasangkot ka sa droga?”.
Ayon kay Ranel inalok siya ng isang Arabo ng drugs. Pilit daw umano silang pinagbibentahan nito.
“Nakisama lang ako Nay… Natatakot akong tumanggi. Nakikisama lang ako sa ibang lahi,” paliwanag ng anak.
Binili ni Ranel ang droga at ipinagbili rin umano sa ibang kasamahan. Nahuli naman ang buyer ng kanyang binentang drugs kaya’t nang magkahulihan isa siya sa mga tinurong sangkot.
Nakakulong si Ranel sa Um Salal Jail mula Nobyembre nung nakaraang taon. Hindi malaman ng ating kababayang Pinoy ang legal na hakbang na maari niyang gawin. Mabuti na lang at nakausap niya ang kasamahang preso na una na naming natulungan. Ang 13 Pinoy na nakulong dahil sa pagnanakaw ng cable wires.
“Lumapit kayo sa tanggapan sa ‘CALVENTO FILES’ at makikipagtulungan sila sa Department of Affairs para mabigyan kayo ng legal assistance,” sabi ng isa sa mga 13 Pinoy.
Diresto naming tinanong si Remy kung dating gumagamit ng pinagbabawal na gamot ang kanyang anak o hindi kaya’y kung sumisistema ito.
Mabilis naman itong tinanggi ni Remy, “Hindi po! Ngayon lang po nasangkot sa ganyan ang anak ko…”.
Bilang agarang aksyon muli kaming lumapit sa DFA kay Usec. Rafael Seguis at sa Ambassador ng Doha, Qatar kay Amba Cres Relacion.
Ipaparating namin ito sa ating embahada sa Qatar ng sa ganun ay madalhan sila ng abugadong tutulong sa kanilang kaso.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi ito ang unang beses naming makarinig na ang ating mga kababayang OFW’s ay nasasangkot sa usaping ‘drugs’. May ilan sa kanila ang gumagamit ng drugs at dahil mahal bumili nito, napipilitan silang magtinda para maging libre ang kanilang paggamit. SISTEMA ang tawag dito.
Ang iba naman dahil malaki ang kita sa pagbenta ng droga itinutuloy na nila para pandagdag sa maipapadala sa kanilang mga kamag-anak.
Sa mga kababayang Pinoy muna dahil alam nila na hindi magsusumbong ang mga ito sa iligal na gawain dahil sabit din sila.
Pagtagal nasisilaw sila sa pera at nagiging maluwag ang kanilang pagbenta. Magaling din ang ‘intelligence network’ ng Arab Police.
Sigurado naman kasing iinit sila dahil ang ganitong gawain ay tinitiktikan nang mga ito. Hindi mo naman maitatago ang baho ng negosyong ito.
Malinaw na isang ‘buy-bust’ operations ang nangyari kung saan natimbog si Ranel sa Doha. Mabigat pa naman ang parusa para sa ‘drug trafficking’ sa lugar na yun.
Mga mambabasa, napapansin ko na may basehan ang sinabi ng isang magaling na lider ng isang higanteng nasyon na si ‘Chairman Mao Tse Tung’ ng China. ‘SEX and DRUGS is the opiate of a depressed society…’
Ang ibig sabihin nito ay ang isang bayan na lugmok sa kahirapan ang kanilang pampalutang ng loob ay ang paggamit ng droga at mag-sex!
Dumarami ang kaso ng ating mga OFW’s na nahihiwalay sa asawa dahil naghanap ng iba habang nandun at ang mga gumagamit ng illegal na droga.
Bakit? Dahil na rin hindi nila makayanan ang lungkot na mahiwalay sa pamilya. Hindi biro ang mapadpad sa isang lugar na malayo sa pamilya.
Pinangako ni Usec. Seguis at ni Amba Relacion na titignan nila ang kaso ni Ranel at gagawa sila ng hakbang na mabigyan ito ng abogado para maprotektahan ang kanyang mga karapatan. KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
NAIS KONG pasalamatan si Superintendent Nelissa Cruz-Geronimo ng Polygraph Division ng PNP-Crime Laboratory. Mabuhay kayo d’yan sa Polygraph Division ng PNP-Crime Laboratory. Binabati ko rin ang ina ni Supt. Geronimo na si Gng. Esther Ortega-Cruz dahil parati siyang sumusubaybay sa ating pitak at sa aming programa sa radyo, ‘Ang Hustisya para sa Lahat’.
* * *
Email address: mailto:tocal13@yahoo.com