DARATING ang panahon na wala nang magbibigay ng tulong sa Pilipinas. Simple lang ang dahilan kung bakit, kinukurakot kasi ang bigay na tulong. Ang perang ibinigay o donasyon ay hindi nakararating sa dapat na puntahan. Dina-divert sa pribadong account. Idinedeposito sa kung kaninong account at lilimasin na lahat. Paghahati-hatian ng mga matatakaw at walang kabusugan. Hindi masisisi ang ibang bansa, na magdu-da sa pagbibigay ng tulong sa Pilipinas sapagkat ang mga “matatakaw na buwaya” ang nakikinabang.
Isang magandang halimbawa ay ang nabulgar na corruption sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Bukod sa mga ninakaw na milyong pisong pondo, binulgar ng dalawang dating budget officers ng AFP na pati ang mga pondo na ibinigay ng United Nations ay sinagpang ng mga matatakaw.
Sinabi ni dating Lt. Col. George Rabusa at Col. Antonio Ramon Lim na ang pondo para sa UN peacekeeping operations ay nawaldas. Hindi lamang iyan, pati na ang pondo para sa Balikatan joint exercises ng US at Pilipinas ay kinurakot din. Sinabi ng dalawa na ang pambili ng reconnaissance aircraft sa Israel at ng Howitzer ammunition sa Thailand ay hindi na malaman kung nasaan.
Ang rebelasyon ng dalawa ay sinuportahan naman ng mga sinabi ng dating COA auditor na si Heidi Mendoza tungkol sa P200-million funds mula sa United Nation para sa Philippine contingent sa East Timor. Inilagay umano sa private account ang pondo at nawawala ang P50-million. Pati na raw ang UN funds ng PNP na ipinadala sa Haiti, US funds para sa Iraq at ang pondo para sa Balikatan exercise ay nadugas.
Maaaring marami pa ang nanakaw sa ibinibigay na pondo ng ibang bansa sa AFP at hindi pa gaanong nahahalukay. Maaaring ang ibinulgar nina Rabusa, Lim at Mendoza ay katiting lang at marami pang dapat imbestigahan. Sino ba ang nakaaalam sa dami at laki na nang nalamon ng mga matatakaw.
Isa ang maliwanag, walang transparency kung paano ang ginagawa sa mga natatanggap na tulong mula sa ibang bansa. Walang malinaw na sistema kung saan dadalhin kaya naman may pagkakataon ang matatakaw na ibulsa ang tulong o pondo. Masama ang nangyayaring ito. Maaaring wala nang tumulong sa bansang ito sa hinaharap. Hindi naman masisisi ang mga foreign donor.