Pagdiriwang ng Chinese New Year

KAUGNAY ng pagdiriwang ng Chinese New Year sa Peb­rero 3, ngayon pa lang ay bumabati na ang buong pamilya Estrada ng “Kung Hei Fat Choi!”

Ang naturang okasyon, na itinuturing ng mga Chinese bilang pinakamahalagang pagdiriwang sa buong taon, ay hudyat ng pagsisimula ng “Year of the Rabbit.” Base sa Chinese belief, ang taon na ito ay panahon ng katahimikan at kapayapaan. Sa ganitong paraan umano ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon ang mga kinauukulang sektor at grupo upang malunasan ang mga naging sugat at mga problema na naranasan noong nagdaang taon, kasabay ng pagninilay at pagsusuri sa mga naging leksiyon ng nakaraan.

Matatandaang isinulong ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang Senate Bill 550: “An act declaring the day on which Chinese New Year falls each year as a special working holiday as a sign of goodwill and amity between the Philippines and China”.

Aniya, ito ay isang paraan ng pagpapahalaga at ibayo pang pagpapayabong sa magandang relasyon ng Pilipino-Chinese na nagbunga nang napakalaking positibong kontribusyon sa ating ekonomiya, kalakalan, patrabaho sa taumbayan, serbisyo sa komunidad at mga programang nakatutulong sa mga mamamayan.

Ang nasabing panukala ay ipinursige ni Jinggoy, bagama’t naging konsiderasyon ni President Noynoy Aquino ang kanyang direktiba (Proclamation Number 84) na nauna nang nagtukoy sa mga regular at special holiday nga­yong 2011 bilang tugon sa hiling ng mga negosyante na linawin na agad ng Malacañang ang mga holiday taun-taon upang mapaghandaan ng mga kompanya at manggagawa mismo.

Ayon kay Jinggoy, marapat na pahalagahan ng pamahalaan ang Chinese New Year upang lalo pang tumatag ang pakikipagkapatiran ng mga Pilipino sa Chinese.

Show comments