NARARAPAT lang na masibak sa tungkulin si Sr. Supt. Fernando Villanueva, provincial police director ng Bulacan dahil hindi lang siya pabaya sa krimen kundi maging sa pasugalan. Si Villanueva kasi mga suki ay sinibak sa puwesto ni PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo dahil sa talamak na murder, carnapping at iba pa sa Bulacan. Paano hahabulin ni Villanueva ang mga kriminal at carnappers kung abala siya sa pagprotekta ng mga pasugalan sa kanyang lugar kasama na ang peryahan.
Kung sabagay, hindi lang si Villanueva ang dapat sisihin sa naglilipanang peryahan sa Bulacan kundi maging si Central Luzon police director Chief Supt. Allan Purisima. Kasi nga, ang pangalan ni Purisima ang ginagasgas ng isang Jun Bernardino para ikolekta ang opisina niya ng lingguhang intelihensiya hindi lang sa peryahan, kundi maging sa iba’t ibang klase ng pasugalan. Kaya’t hindi lang dapat si Villanueva ang sinibak ni Bacalzo kundi maging si Purisima, di ba mga suki? Hindi naman lalaganap ang krimen, carnapping at pasugalan kung walang basbas ni Purisima.
Paano magiging PNP chief si Purisima kung ngayon pa lang hindi niya makayanang walisin ang pasugalan sa Central Luzon? Ibig bang sabihin nito, kapag si Purisima na ang PNP chief eh maglilipana ang pasugalan sa bansa? Pero hindi pa huli ang lahat. Bibigyan ko ng trabaho si Purisima at tingnan ko kung talagang karapat-dapat siyang maging PNP chief. Ang unang hamon ko kay Purisima ay sibakin niya si Bernardino na gumigisa ng pangalan niya sa mga pasugalan. At ipasara na rin niya ang mga pasugalan at peryahan para wala nang hihingan si Bernardino.
Ang gawin na sampol ni Purisima ay ang peryahan ni Anita sa San Ildefonso; Emily sa Sta. Maria; Lourdes sa Pulilan; Ricky Quiros sa Bustos; Jessica sa Libtong at Sto. Nino sa Meycauayan; Rosa sa Bayugo, Meycauayan; Andy sa Guiguinto at Vernie sa Lolomboy. O hayan, h’wag sabihin ni Purisima na hindi niya alam ang peryahan sa Bulacan dahil nakikinabang siya diyan kung si Bernardino ang gagawing basehan.
Si Villanueva ay naging provincial police chief ng Bulacan noong Marso na kasagsagan ng election period. Siya ay pinalitan ni Sr. Supt. Wendy Rosario, ang deputy for operations ni Purisima sa Central Luzon. Kapag hindi naipasara ni Rosario ang pasugalan at peryahan sa Bulacan, tiyak susundan niya ang mga yapak ni Villanueva. Sana ‘wag gawing dahilan ni Rosario na abala siya sa paghahabol sa Dominguez gang na itinuturo sa kasong pagpatay kina Venson Evangelista, Emerson Lozano at driver na Ernani Sensil kaya hindi niya mapapansin ang pasugalan sa Bulacan. Pag nagkataon, baka magulantang na lang na wala na siya sa puwesto…Abangan!