EDITORYAL - Nalusutan na naman!
NOONG Nobyembre 2010, nagbabala ang America, Canada at Australia sa kanilang mga kababayan sa Pilipinas na mag-ingat sapagkat may report silang natanggap na magsasagawa ng pambobomba ang mga terorista. Huwag daw munang magbiyahe lalo sa Mindanao. Maraming nag-react sa travel advisory ng mga nabanggit na bansa sapagkat naghahatid daw ng takot sa mga turista. Sumobra naman daw sa babala.
Pero nang isang bomba ang sumabog kahapon sa isang bus habang nasa loading bay sa EDSA, malapit sa Buendia, tila may katotohanan ang babala ng tatlong bansa na sasalakay ang mga terorista. Nangyari iyon dalawang buwan makaraan ang babala.
Apat ang namatay at 18 ang nasugatan sa pambobomba sa Newman Gold Liner Bus. Naganap ang pambobomba dakong alas dos ng hapon. Sa lakas ng pagsabog ay nabutas ang sahig ng bus at nawasak ang mga bintana. Galing Baclaran ang bus at patungong Fairview.
Marami nang pambobomba sa bus ang nangyari na nagbuwis nang maraming buhay ng mga inosenteng pasahero. Noong nakaraang Oktubre 21, 2010, isang bus ang sumabog sa Matalam, North Cotabato at 10 pasahero ang namatay. Noong February 14, 2005, isang bus ang tinaniman ng bomba habang nasa kanto ng Ayala at EDSA. Pito ang namatay sa pambobomba. Inako ng mga terorista ang pambobomba at regalo raw nila kay President Arroyo.
Hindi lamang bus ang tinataniman ng bomba kundi pati rin naman ang sasakyang dagat. Noong Pebrero 27, 2004, isang bomba ang sumabog sa SuperFerry 14 at 116 ang namatay. Naganap ang pagsabog isang oras makaraang umalis sa Manila port ang ferry. At sino ang makalilimot sa bombang itinanim sa LRT noong Disyembre 30, 2000 na ikinamatay din ng 100 pasahero.
Ngayon, pagkaraan ng pambobomba sa bus sa EDSA kahapon, maghihigpit na naman ang mga awtoridad. Mag-iinspeksiyon na naman sa mga dala-dalahan. Pero pagkaraan ng ilang linggo, balik uli sa dating pagre-relaks. Ganito na lang lagi. Habang mainit lang ang pangyayari saka nag-iingat.
Maitatanong din naman kung gaano katalas ang mga awtoridad sa pag-tract ng mga gagawa ng pambobomba. Paano nakakalusot ang mga ito gayong may sapat na intelligence?
- Latest
- Trending