IGINIIT ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang malalimang pagsusuri sa kaso ni retired Major General Carlos Garcia, dating comptroller ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na siyang nangangasiwa sa pagbili ng mga kagamitan ng militar. Si Garcia ay nakasuhan ng plunder dahil sa pagkulimbat umano niya nang mahigit P300 milyong pondo sa AFP.
Lalong uminit ang usapin matapos pinayagan ng Office of the Ombudsman ang “plea bargain agreement” sa dating heneral kung saan ay umamin na lang siya sa mas mababang kaso bilang kondisyon upang mabasura ang mabigat na kasong plunder laban sa kaniya.
Naging sentro ng pagkuwestiyon ang yaman ni Garcia mula nang nahuli ang kanyang mga anak sa airport sa Amerika noong 2003 dahil sa dala nilang perang US$100,000. Kasunod nito ay nabunyag ang nakalululang pera niya sa banko partikular ang kanyang peso account na umaabot sa P92.81 milyon at dollar account na umaabot sa $1.9 milyon.
Natukoy din ang tatlong pag-aari ng pamilya Garcia sa Amerika, na kinabibilangan ng isang condominium sa 502 Park Avenue, New York na nagkakahalaga ng US$765,000; apartment sa 222 East 34th St sa New York din na may halagang US$750,000; at isang bahay pa sa Westerville, Ohio.
Nabisto rin na nakapaglipat siya at ang kanyang pamilya ng US$785,630 (P44 milyon) patungo sa Amerika. May mga lupain din umano si Garcia sa Guimaras, Batangas, Iloilo at Baguio City; mga mamahaling sasakyan; at shares of stock na nakapangalan sa kanyang asawa at mga anak.
Masyadong kataka-taka ang naipundar na mga kayamanan ni Garcia gayung ang kanyang sweldo sa AFP ay humigit-kumulang na P37,000 lang kada buwan.
Malakas ang hinala ng taumbayan na nagawa ni Garcia ang pagkakamal ng ganito katinding kayamanan sa pamamagitan ng proteksyon at pakikipagsabwatan sa kanya ng ilang malalaking personalidad sa loob at labas ng AFP.