MULA nang patayin ang dalawang car dealers, marami nang solusyon ang naglabasan at pinapanukala ng mga mambabatas. Masyadong masigasig ang mga mambabatas para tuluyang mabigyan ng ngipin ang batas na nararapat sa mga nangangarnap ng sasakyan. Ang tanong ay kung hanggang saan ang pagsisigasig ng mga mambabatas. Hindi kaya dahil mainit pa ang pagkakapatay kina Venzon Evangelista at Emerson Lozano at sa isang drayber. Hindi kaya kapag malamig na ang isyung ito ay wala na namang marinig sa mga mambabatas?
Masyadong malambot ang batas laban sa pangangarnap ng sasakyan. Dahil sa kalambutan ng Anti-Carnapping Act of 1972 (Republic Act 6539), mabilis lang makapagpiyansa ang mga akusado. Saglit lang ay labas na agad sa kulungan dahil nakapag-post na ng piyansa. At maaari na namang makapangarnap at pumatay pa.
Ganyan ang nakikitang ginawa ni Raymond Dominguez na nakapagpiyansa ng 20 beses. Si Dominguez ang itinuturong utak ng pag-carnap sa sasakyan ng car dealer na si Venzon Evangelista. Si Venzon ay natagpuang patay sa Cabanatuan, Nueva Ecija na sunog na sunog ang katawan. Noong Linggo ay sumuko na si Dominguez pero itinatanggi niya na may kinalaman sa krimen.
Marami ang nagulat na kalalaya lamang ni Dominguez noong Dec. 28, 2010 dahil nakapagpiyansa siya. Umano’y maraming nakasampang kaso si Dominguez at pawang pangangarnap ang kaso. Nang lusubin ang bahay nina Dominguez sa Pampanga, natagpuan ang maraming plate numbers, baril, parts ng sasakyan at marami pang iba. Ayon sa pulisya, sarado na ang kaso ng car dealer na si Evangelista dahil sa pagkakahuli sa dalawang suspect.
Rebyuhin ang Anti-Carnaping Act at lagyan ng ngipin para ang mga magkakasala ay mapatawan agad ng parusa. Bigatan pang lalo. Huwag hayaang makapagpiyansa ang carnapper.