IBINULGAR ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang kuwestiyunableng kontrata na nagkakahalaga ng P4-bilyon na ini-award ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa isang foreign consortium para sa modernisasyon ng Air Traffic Control System sa bansa.
Ayon kay Jinggoy, kung noong 2007 ay may iskandalo ng US$329 million ZTE-NBN contract na tadtad ng matinding korapsiyon at iregularidad, ngayon naman ay nagbabadya ang katulad na iskandalo, at ito aniya ay ang kontrata naman ng DOTC sa Sumitomo ng Japan at Thales ng France. Nakapagtataka kasi kung bakit ang isang kompanya na may masamang rekord at may kasong panunuhol ang binigyan ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng DOTC ng malaking kontrata.
Ang kompanyang Thales (ka-partner ng Sumitomo sa proyekto) ay nagkaroon na noon ng kontrata sa ating bansa kung saan ay nakatakda itong mag-deliver ng 19 na global marine distress safety system (GMDSS) equipment na nagkakahalaga ng P1-bilyon para ma-upgrade umano ang sistema ng kaligtasan sa paglalakbay sa karagatan. Pero ang naturang mga kagamitan ay hindi nai-deliver ng kompanya. Dahil dito ay inirekomenda ng Commission on Audit (CoA) na huwag nang makipag-transaksyon muli ang pamahalaan sa nasabing kompanya.
Heto pa, kamakailan ay ipinahinto ng European Aviation Safety Agency ang paggamit ng speed sensors ng nasabing kompanya para sa Airbus commercial jets matapos mapag-alaman ng mga imbestigador na ito ang dahilan ng naging pagbagsak ng Air France Airbus A330 sa Atlantic noong Hunyo 1, 2009 kung saan ay 280 pasahero ng eroplano ang nasawi sa insidente.
Lumabas din ang balita sa AFX news service na noong Disyembre 2005 ay ni-raid ng pulisya ng France ang headquarters ng Thales dahil sa nabunyag na impormasyong may pinagagalaw na pondo ang kompanya para suhulan ang ilang tiwaling opisyal doon para makakuha ng kontrata. Nakakapagtaka na sa kabila ng negatibong rekord ng Thales, binigyan pa nang malaking kontrata ng DOTC.