Malinaw na bulag

ANG pagiging mayaman ay hindi raw patunay ng pandarambong. Ito ay ayon sa Office of the Ombudsman, sa ilalim ni Merceditas Gutierrez. Kaya pumayag daw ang Ombudsman na pumasok sa isang kasunduan kay dating Gen. Carlos Garcia, kung saan aamin siya sa mas mababang krimen maliban sa pandarambong, at ibabalik niya ang P135 milyon sa gobyerno. Sa madaling salita, hindi siya guilty ng pandarambong, kahit higit P300 milyon ang nakawat niyang pag-aari – maging pera, sasakyan o lupa --- habang comptroller ng AFP. Wala raw matibay na ebidensiya para patunayan na siya’y nandambong, kahit nakuha niya ang ganyan karaming kayamanan, sa suweldo ng isang AFP comptroller na nasa P40,000 kada buwan! Kaya huwag na tayong magtaka kung bakit maraming nanggagalaiti sa Palasyo, sa Senado, sa Kongreso at sa mamamayang Pilipino!

Maliwanag na may mga ibang kamay na nagmaniobra nitong kasunduan. Nagiging malinaw na rin na hindi kayang gawin ni Garcia ang lahat ng pagsamsam niya, nang walang basbas o kakutsabang mataas na ranggong heneral ng AFP, partikular sa ilalim ng administrasyon ni Arroyo. Kaya sino ang mga ito, noong panahon niya bilang comptroller ng AFP? Kunwaring si Garcia lang ang pinakain sa mga naghahanap ng katarungan. Pero mapapalaya rin pala siya sa isang kasunduang luging-lugi ang gobyerno. Kung mahina pala ang kaso laban sa kanya, bakit pumayag sa kasunduan si Garcia? Hindi siya magbabalik ng P135 milyon nang walang matitira sa kanya! Siguradong marami pa ang matitira para gastusin nilang magkakapamilyang kriminal!

At para que pa pala ang lifestyle check, kung ang katwiran ng Ombudsman ay ang kayamanan ay hindi patunay ng pagnanakaw? Kung ganun pala, lahat ng opisyal na hindi mapaliwanag ang mga kayamanan nila ay wala rin dapat katakutan, dahil hindi naman mapapatunayan na ninakaw nila kung walang magtuturo! Ganun ang sinasabi ng Tanggapan ng Ombudsman ni Merceditas Gurierrez. Malinaw na may sindikato sa loob ng top brass ng AFP, dahil siguradong hindi magagawa ni Garcia ang lahat ng nagawa niya nang mag-isa. Hindi mo maitatago ang P300 milyon nang hindi ka mapapansin ng marami. Maliban na lang kung nasa Ofiice of the Merceditas Gutierrez ka. Dahil para sa kanila, hindi ito patunay ng pandarambong, dahil may sahod ka pa naman na P40,000 kada buwan, at walang whistleblower. Malinaw din na habang nandiyan pa si Merceditas Gutierrez, walang makukulong na mga operatiba sa ilalim ng dating administrasyong Arroyo! Malinaw na magbubulag-bulagan sila sa hustisya!

Show comments