Illegal gambling
HABANG nag-iingat si NCRPO chief Dir. Nicanor Bartolome para hindi madungisan ang pangalan niya tungo sa pagka-chief PNP niya, iba naman ang ginagawa ng kanyang mga bataan. Ito ang nakatutulig na usap-usapan nang dumalo si Bartolome sa ika-110th founding anniversary ng Manila Police District. Si Bartolome ay nagdeklara ng “no take” policy sa illegal gambling sa limang police district sa Metro Manila nang maupo bilang hepe ng NCRPO. Kaya ang sambayanan ay sumaludo sa kanya. Subalit kung malinis ang bulsa ni Bartolome sa illegal gambling, iba naman ang ginagawa ng mga tauhan niya na sa tingin ng karamihan ay unti-unting magpapababa sa kanyang kredibilidad. Sa katunayan pinag-uusapan na sila ng mga kapwa pulis nila dahil gusto yata sila na lang ang kakain at hayaan na lang magutom ang mga kabaro nila.
Kapag hindi nasawata ni Bartolome ang gawain ng kanyang mga bataan baka magduda pa ang sambayanan na pati siya ay nakikinabang sa illegal gambling. Kung sabagay, ilang buwan na lang ang titiisin ni Bartolome sa NCRPO dahil itataas na siya sa Camp Crame para mapadali ang pagka-PNP chief niya. Kaya siguro nagmamadali na rin ang mga bataan nya, di ba mga suki? Kung hindi marerendahan ni Bartolome ang mga bataan niya, ibig bang sabihin niyan wala rin siyang liderato tulad ng akusasyon kay PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo? Teka nga pala Gen. Bacalzo, me gifts na ba ang mga kabaro ko sa Camp Crame Press Corps?
Ayon sa mga kausap ko sa Manila Police District (MPD), kahit “no take” policy me parating pa rin sa opisina ng intelligence chief ng NCRPO na si Col. Santiago. Ang kolektor ni Santiago ay si Bebet Aguas na bagman din ni Chief Supt. Ed Ladao ng Northern Police District (NPD). Ang kolektor naman ng Regional Public Safety Battalion ni Col. Cabreros ay si Mike Biscocho at Arnold Sandoval.
Ang binabantayan sa ngayon ng mga kabaro nila ay si Col. Alex Sintin na magtatayo rin ng Task Force laban sa illegal gambling. May isa pang “butas” na itatayo ang mga bataan ni Bartolome.
Ang gustong mangyari ng mga bataan ni Bartolome ay kung ang “lagom” na tinatanggap ng R2 ay dapat ganun din ang tatanggapin ng tropa ni Sintin at ng bagong “butas.” Ibig sabihin magiging tatlo ang “butas” sa NCRPO sa ilalim ni Bartolome at pare-parehas ang pitsang tatanggapin nila sa mga gambling lords. Ang lulupit n’yo mga Sir. Kaya ang pagsulpot ng “butas’ ni Sintin at isa pa ang binabantayan sa ngayon ng mga kabaro nila dahil lumalabas na sila lang ang gustong kumain nang masarap. At tiyak, magugulo na naman ang tabakuhan sa Metro Manila dahil haharibas sila bilang Oplan Pagpapakilala.
Di pang-PNP chief itong diskarte ng mga bataan ni Bartolome, di ba mga suki?
Sina Aguas at Sandoval ay mga pulis. Kung talagang seryoso si Bartolome sa “no take” policy niya, ang dapat niyang gawin ay itapon sa Mindanao sina Aguas at Sandoval. Kapag hindi niya ginawa ito, ibig sabihin moro-moro lang itong “no take” policy nIya at me say talaga siya sa tong collection ng mga bataan nya. Kung sabagay, tama lang ang puna ni Bacalzo na hindi talaga disiplinado ang PNP at kasama na sa hanay ng rogue cops sina Aguas at Sandoval, di ba mga suki?
Abangan!
- Latest
- Trending