SA pagtatapos ng 2010, natapos na rin ang “on the job training” na six-months ni President Noynoy Aquino. Ika nga, totohanan na ang paghawak niya ng responsibilidad bilang presidente ngayong 2011. Dapat kabisado na niya kung ano ang mga problema ng bansa na kailangang harapin at bibigyan ng solusyon.
Kay P-Noy ngayon nakakapit ang pag-asa ng nakararaming mga Pinoy. Naniniwala sila na si P-Noy ang makapag-aahon sa nakalugmok nilang kabuhayan sa kabila ng mga naririnig na balita na lubhang nakakatakot ang maaaring mangyari sa mga darating na araw. Hindi na raw mapipigilan ang pagtaas ng mga bilihin.
Tataas pa ang presyo ng gasolina. Tataas ang pamasahe sa jeepney, bus, MRT, tricycle. Ang hindi lamang daw tataas ay ang kinikita ng mga manggagawa. Sa halip na madagdagan ang hanapbuhay, marami pa daw ang mawawalan ng trabaho dahil sa pagtataas ng mga ginagastos ng mga employers. Papaano ito haharapin n P-Noy? Nadadagdagan pa ang mga dambuhalang suliranin.
Nahihintakutan ako sa sitwasyon sa ating bayan sa ngayon. Harinawang may mga paraan nang naihanda si P-Noy at kanyang Cabinet upang harapin ang mga nasabing problema ng bansa. Hindi na natin marahil dapat ukilkilin pa ang tungkol sa mga nabalitang kapalpakan ng ilan sa mga tauhan ni P-Noy. Siguro naman ay naresolba na ni P-Noy ito at alam na niya kung papaano makakamtan ang hangarin niyang tagumpay sa ikabubuti ng bansa.
Tila imposibleng magampanan ni P-Noy ang mga higanteng problema ng ating bansa sa maikling panahon lamang. Dapat niyang sugpuin agad ang mga bagay na humahatak pababa. Katulad ng parati kong sinasabi, kailangan ni P-Noy ng tulong ng bawat isa sa atin upang maabot ang pangarap na kabutihan para sa bansa at sa mamamayan.