WALANG facebook, friendster o twitter account at anumang ibang social network affiliation (maliban sa e-mail) ang BITAG lalung-lalo na ako, si Ben Tulfo.
Uulitin ko, hindi ako gumagamit ng facebook, friendster o twitter man sa internet. Bogus o peke ang lahat ng makikita niyong 28 facebook accounts sa kasalukuyan gamit ang pangalan ko.
Ngayong Bagong Taon 2011, nais kong tawagan ng pansin ang lahat ng taga-subaybay, taga-sunod at taga-suporta ng BITAG na mag-ingat sa pekeng Ben Tulfo account na kumakalat ngayon sa internet.
Tanging e-mail lamang at BITAG website ang paraan kung papaano niyo makokontak ang inyong lingkod sa pamamagitan ng internet.
Uunahin ko ng bulabugin ang nasa likod nitong pekeng BEN TULFO facebook account na ang profile picture ay X na may bungo. Etong hayupak na ‘to na pawang kasinungalingan lahat ng nasa information ng kanyang ginawang account, nagawang makasilo ng kanyang mga biktima gamit ang aking pangalan.
Ang siste, nakarating na sa aking kaalaman na ang kolokoy na ito lakas-loob na nagpanggap bilang si BEN TULFO, nagpadala ng mensahe sa mga tao kabilang na ang aking ilang pinsan na nasa United States. Gamit ang kanyang nakakasukang broken english, pinalabas nitong si mokong na nanghihingi ng donasyon nitong nagdaang holiday at para kuno sa gawain ng BITAG.
Agad nagduda ang aking mga pinsan sa US dahil sa Ingles karabaw ng nasa likod ng Ben Tulfo facebook account at agad akong kinontak dito sa Pilipinas.
Kaya’t nagbibigay babala ang BITAG na huwag tangkilikin, huwag pansi-nin at lalung-lalong huwag maengganyong i-add ang anumang BITAG o Ben Tulfo account sa facebook, twitter at friendster.
Mangyaring sumama sa aming grupo na hanapin at alamin kung sino ang nasa likod ng mga fraudulent profile na ito gamit ang aking pangalan at ang programang BITAG lalung-lalo na upang makapanloko at makapambiktima.
Tulungan at samahan ang BITAG na i-report user sa admin ng mga nasabing social network ang mga pekeng account na ito.
Sa pamamagitan din ng inyong mga account ay i-block ang mga ito upang tuluyan nang mawala sa internet.
Kung may mga iba pang nabiktima, lumapit agad sa aming tanggapan.
Kasalukuyang may ginagawa na ring hakbang ang BITAG team upang matunton ang mga nasa likod ng mga impostor at bogus na ito.