Mindanao peace talks ginugulo ng Malaysia

MALI si noo’y-Presidente Arroyo na ipa-mediate sa Malaysia nu’ng 2002 ang peace talks ng gobyernong Pilipinas at separatistang Moro Islamic Liberation Front. Hindi neutral ang kapit-bansa. Huwag nang isama ang kasaysayan na galing sa Johore, mainland Malaysia, nu’ng 1500 ang lahi ng Maguindanaoan na namumuno ngayon sa MILF. Tandaan na lang na pabalik-balik ang claim ng Pilipinas sa Sabah bilang pag-aari ng Sultan ng Sulu. Kaya interes ng Malaysia magpatuloy ang giyera sa Mindanao, para hindi maharap ng Pilipinas ang claim na ito. At para magkagiyera, tutulungan ng Malaysia ang MILF, o kaya’y hahadlangan ang peaceful settlement. Kumbaga sa sports, dalawa ang katunggali ng Pilipinas, ang MILF at ang referee na Malaysia.

Batid ang maitim na balak ng Malaysia sa iginagawi ng facilitator nito, si intelligence chief Datuk Othman Bin Abdul Razak. Mula nang pumapel ito na chairman ng ceasefire monitoring, walang inatupag kundi mag-espiya sa mga purok militar at seguridad ng Pilipinas sa Mindanao. Bukod du’n, lantaran ang pagkampi niya sa MILF. Parati niya ibinibintang sa Philippine Army ang ceasefire violations ng MILF. Ni-leak pa niya sa MILF ang confidential e-mails sa Philippine panel. Siya ang nag-uudyok sa MILF na sa Malaysia gawin ang talks, imbis na sa Pilipinas, lalo na’t panloob na suliranin ang tinatalakay. Siya rin ang nagpanukala ng pagbigay ng teritoryo sa mga separatista nu’ng 2008.

Apat na beses nang hiniling ng Pilipinas sa Malaysia na palitan si Othman. Pero nagpipilit itong manatili. Payag si Prime Minister Najib­ Razak, dahil si Othman ang tagaluto ng mga eleksiyon niya sa Sabah.

Binastos ni Najib si Pre­sident Noynoy Aquino para lang panatilihin si Othman. Nang tumawag si Noynoy nu’ng Oktubre, hayagang ni-reject ang pakiusap na palitan na si Othman. Sumulat si Noynoy kay Najib upang igiit ang nais ng Pilipinas. Panibagong pambabastos ang inabot niya: iniwala ng Malaysia ang sulat ng Presidente ng Pilipinas.

Show comments