EDITORYAL - Punumpuno ng pag-asa

KAHIT kaunti ang pagkaing pinagsasaluhan ngayong Pasko, marami pa rin ang umaasa na sa susunod na Pasko ay uunlad na ang kanilang buhay. Kung ngayon ay Paskong tuyo, sa susunod ay Paskong masagana na at punumpuno ng kasiyahan ang bawat isa. Salat man sa maraming bagay ngayong Pasko, masagana naman at labis ang pag-asa sa susunod na taon.

Sa survey ng Pulse Asia, siyam sa 10 Pinoy ang umaasang gaganda ang kanilang buhay sa darating na taon. Mas mataas ngayon (89 percent) ang nagsasabing mas maraming pagkakataon na naghihintay sa kanila sa 2011 kaysa noong nakaraang taon na 86 percent lang. Mas maraming naniniwala ngayon na magkakaroon sila nang magandang buhay sa 2011.

Positibo ang nakararami sa magandang hinaharap at ngayon lamang ito nangyari na lubhang mataas ang umaasang mangyayari nga ito. Isang magandang pangitain na ang lahat ay magkakaroon nang magandang buhay.

Kabilang sa mga hinahangad ng mga Pilipino ngayong papasok na taon ay magkaroon ng trabaho, mahusay na tirahan, pagkain sa hapag at matiwasay na kapaligiran. Punumpuno ng pag-asa at mga pangarap.

Kahit na ang mga naging biktima ng trahedya ay nagkakaroon na nang mataas na pag-asa na malalampasan din ang sinapit at maghihilom ang sugat.

Para sa mga magulang ng mga nursing graduates na naging biktima ng sunog sa Tuguegarao, Cagayan noong Linggo, naghihirap man ang kalooban nila ngayon dahil sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay, malalampasan din ang lahat at unti-unting malilimutan ang malagim na pangyayari.

Labing-anim ang namatay sa sunog kabilang ang 10 nursing graduates na kukuha sana ng board exam. Magiging mabilis naman ang paglimot kung magkakaroon ng agarang hustisya kung bakit nangyari ang trahedya.

Maski ang mga kaanak ng 57 biktima ng massacre sa Maguindanao ay umaasa pa rin na magkakaroon ng hustisya. Umaasa silang gugulong nang gugulong sa susunod na taon ang hustisya hanggang sa ganap na maparusahan ang mga sangkot sa karumal-dumal na pagpatay. Lubos silang umaasa na magbabayad ang may kagagawan at makakamit na nila ang katarungan.

Malaking Pag-asa ang nakikita nang marami. Iyan ang talagang diwa ng Pasko na ipinagdiriwang ngayon. Maligayang Pasko sa lahat.

Show comments