Isang lalaki ang binaril ng ilang ulit. Dalawang bala ang pumasok sa kanyang katawan. Dumive sa ilog at sumisid papalayo. Paglutang sa tubig, nakakita ng bangka, sumakay, sumagwan kahit duguan at nauubusan na ng lakas.
Umahon at tumakbo papalayo hanggang makahanap ng taong tutulong sa kanya.
Mahirap paniwalaan? Totoong nangyari ito. Buhay na buhay siyang nagpunta sa aming tanggapan upang isalaysay ang mga pinagdaanan niya.
Nanggaling pa sa bayan ng Laoang Northern Samar ang ‘complainant’ na ito para idulog ang kanyang problema na makakuha siya ng Hustisya.
Siya ay si Franciso “Kiko” Bazarte, 58 taong gulang.
Agawan sa lupa ang pinag-umpisahan ng problemang ito. Ang 8 hektaryang lupain na gusto umanong agawin ng kanyang mga pinsang buo na sina Marcelina at Alberta Balitbit.
Ika-17 ng Hulyo, 2010 bandang alas-9:00 ng umaga habang nililinisan ni Kiko ang kanyang niyugan kasama ang kanyang bayaw na si Eudes Rosco na naggagapas, biglang may dumating na dalawang motorsiklo.
Ang nakasakay sa isang motor ay sina Alberta at Marcelina habang sa kabila naman ay dalawang lalaki na hindi niya kilala.
Bumaba ang mga ito. Lumapit kay Kiko. Sumigaw si Marcelina, “Yan si Kiko,” Biglang bumunot ng baril ang lalaki, itinutok at ipinutok.
“Sa takot ko kumaripas ako ng takbo, Hindi ko na mabilang ang dami ng putok,” kwento ni Kiko.
Habang tumatakbo, nakita ni Kiko ang ilog. Tumalon siya at sumisid. Hanggang bewang lang ang ilog kaya’t sayad sa lupa ang langoy ni Kiko.
Hindi siya tinantanan ng mga lalaki hanggang ilog inaasinta siya. Umahon siya dahil inakala niya wala na ang mga tumutugis sa kanya.
Binaril siyang muli at tinamaan naman siya sa tiyan. Sumisid siya palayo hanggang makarating sa pampang.
Nang pakiramdam niyang wala ng humahabol sa kanya, saglit siyang nagpahinga
Bumulwak ang dugo mula sa tama niya sa tyan. Naramdaman din niya ang sakit ng tama niya sa likuran.
Tinalian niya ng kanyang ‘t-shirt’ ang sugat niya na para bang mapipigil nito ang pag-agos ng dugo.
Malayo ang ospital kaya nagpasya siyang dumiretso muna sa kanilang bahay. Nakita ni Kiko ang isang bangka. Sumakay siya dito at nagsagwan.
Pagdating sa bahay, inutusan niya ang kanyang manugang na maghanap ng ‘pump boat’.
Dinala siya sa Tan Memorial Hospital. Agad siyang ginamot. Hindi siya inoperahan. Nilinis at kinalikot lang ang may mga tama ng bala.
Dumating din sa ospital ang mga pulis at kinuhanan siya ng pahayag. Walong araw nanatili si Kiko sa ospital.
Ika-17 ng Agosto, nagsampa si Kiko ng kasong ‘Frustrated Murder’ laban kay Marcelina at Alberta.
Ayon kay Kiko, si Marcelina ay nagtatrabaho bilang ‘court stenographer’, sa Municipal Trial Court. Si Alberta naman ay taga-isyu ng sedula sa Munisipyo.
“Magsasaka lang ako kaya malakas ang kanilang loob na iutos na ipapatay ako,” wika ni Kiko.
Kinuha ni Kiko na abugado si Attorney Volter Legazpi. Nagbayad siya ng Php20,000 para sa ‘acceptance fee’ at Php1,500 para daw pambayad sa piskal.
Ang problema hanggang ngayon hindi pa rin umuusad ang kanyang reklamo. Lumalabas na wala pang kasong isinampa sa Prosecutor’s Office.
Ilang beses na umanong nangangako ang abugado sa kanila at wala pa ring nangyayari.
“Ang tagal na nito. Sabi kasi sa akin ni attorney nade-delay lang daw dahil may seminar yung piskal sa Maynila. Sana matulungan niyo ako,” panawagan ni Kiko.
Itinampok namin ang problemang ito ni Kiko sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon).
Tinawagan namin si Attorney Volter Legazpi.
Inalam namin kung ano ang ‘status’ ng kaso ni Kiko. Sinabi nitong nasa Prosecutor’s Office na at kasong Frustrated Murder ang isinampa niya.
Nang aming tanungin kung ano ang I.S Number at kung kailan niya sinampa ang kaso, sumagot ito ng, “Na-ospital kasi ako kaya hindi ko matandaan kung kailan ko naisampa pero nakapanumpa na siya sa piskalya.”.
Mariin namang pinabulaanan ito ni Kiko. Sinabi niya na kailanman hindi siya nakatuntong ng Prosecutor’s Office.
Sumagot naman itong si Atty. Legazpi na baka daw nakalimutan lang ito ni Kiko.
Dagdag pa niya, may kanya-kanya daw silang istilo. Hinihintay pa raw niya ang ‘authority to prosecute’ para sa preliminary investigation.
Dito na nagpanting ang aking tenga. Ginagago na yata tayo ni ‘attorney’. ‘Authority to prosecute’ isa yang malaking kasinungalingan.
Hindi ka nga makasagot ng diretso kung naisampa mo na yan sa Prosecutor’s Office dahil wala kang masabing IS No.
Hinamon namin siya na ilabas niya ang ‘complaint affidavit’ na kanyang ginawa at hinain sa Prosecutor’s Office ng Northern Samar.
Tama ang iniisip n'yo. Wala pa siya pinapakita hanggang ngayon. Sana naman attorney hindi mo lang basta tinanggap ang bayad na Php20,00 at hindi mo na inasikaso ang reklamo nitong si Kiko.
Bilang tulong binigyan namin si Kiko ng ‘referral’ sa Provincial Prosecutor’s Office ng Northern Samar na si Prov. Prosec. Romeo Ebdane Sr. para malaman niya kung meron ngang isinampang reklamo itong si Atty. Legazpi para kay Kiko laban sa mga taong nasa likuran ng umano’y tangkang pagpatay sa kanya.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa buhay kaya mong manloko ng ilang tao paminsan minsan. Kaya mo ding manloko ng ilang tao sa maraming pagkakataon subalit hindi mo kayang lokohin ang lahat ng tao sa lahat ng pagkakataon.
Ipakita mo Atty. Legazpi na hindi ka manloloko at gawin mo ang iyong tungkulin para sa iyong kliyente.
(KINALAP NI AICEL BONCAY)
Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang talakayan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan. I-text niyo lamang sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang inyong problema. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com