AWTOMATIK na sa bansang ito na kapag may namatay, halimbawa ay sa paglubog ng barko, pagkahulog ng bus sa bangin o kaya ay pagkasunog, saka lamang magkakaroon ng imbestigasyon. Awtomatic na sususpendihin ang kompanya ng barko o bus at kung sa sunog, magkakaroon ng inspeksiyon sa building at saka sisibakin ang fire marshals at iba pang may katungkulan.
Ganyan ang sistema sa bansang ito. At paulit-ulit na lang ang ganitong gawain na kapag may namatay saka gagawa ng hakbang. Isang halimbawa ay ang ginagawa ngayon ng mga kinauukulan sa Tuguegarao, Cagayan na pag-iinspeksiyon sa mga public building. Ito ay kasunod ng malagim na pagkasunog ng Bed and Breakfast Pension House noong madaling-araw ng Linggo kung saan 16-katao ang namatay at 10 rito ay nursing graduates na kukuha ng licensure exam.
Kakatwa na pagkaraang may mamatay saka lamang kumilos ang mayor ng Tuguegarao City para mag-inspeksiyon ng mga public building para matiyak kung ang mga ito ay sumusunod sa public safety standards. Sabi ni Mayor Delfin Ting na hindi niya palalampasin ang mga hindi sumusunod sa regulasyon. Kapag napatunayang may hindi sumusunod sa public safety ay tiyak na mananagot. Wala raw sasantuhin. Mapaparusahan at magmumulta ang sinumang mapatunayan.
Sa nangyaring sunog na umano’y dahil sa pag-overload ng kuryente, makikita nang maraming kasalanan ang may-ari ng pension house. Nagkasunog dahil na sa kapabayaan. Wala umanong fire exit ang pension house at ang mga bintana ay mayroong grills. Pero di ba dapat ay awtomatikong nagsasagawa ng pag-iinspeksiyon ang mga taga-City Hall para matiyak kung ligtas ang establishment para sa occupants. Hindi dapat mag-operate ang pension house sapagkat maraming kulang sa pasilidad.
Tiyak na may katiwaliang nangyari kung bakit nakapag-operate ang pension house sa kabila na hindi naiinspeksiyon. Ito dapat ang alamin ng mayor ng Tuguegarao. Hindi dapat basta mawala at sukat ang kasong ito. Isilbi ang hustisya sa mga namatay. Malaking leksiyon ang nangyaring ito at hindi na dapat maulit.