PARA sa papasok na taong 2011, balak ng Palasyo na i-convene ang Judicial, Executive, Legislative Advisory and Consultative Council (JELAC). Sa harap ng mga napapan-sin nating depekto sa takbo ng hudikatura, importante ito.
Tatalakayin dito ang mga reporma at pagbabagong kailangang gawin sa Judiciary. Ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa Jr. prayoridad ng JELAC ang reform agenda ni Pangulong Noynoy Aquino.
Tama ang layunin ng konsultasyon. Palawakin ang kooperasyon at diyalago ng Executive at Judiciary. Sa mga desisyon ng Supreme Court, madalas sinasalungat ng Mataas na Hukuman ang ilang kautusan ni P-Noy tulad ng pagtatayo ng Truth Commission at pagsibak sa midnight appointees ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Noon pang 2008 nabuo ang JELAC. Layunin nito na magsilbing forum ng tatlong sangay ng gobyerno upang lalo pang mapaghusay ang pagpapatupad ng batas sa bansa. Ang JELAC ay binubuo ng 9 na miyembro, kabilang dito ang President, Vice-President, Senate President, House Speaker, Supreme Court Chief Justice, isang miyembro ng Gabinete, isang senador, isang kongresista, at isang SC associate justice.
Ayon sa Executive Secretary, kasama sa mga pag-uusapan sa JELAC ang pagkakaroon ng mas maraming district courts nang sa gayon ay maging mabilis ang resolusyon ng mga nakabimbing kaso sa hukuman.
Kabilang din sa agenda ang pagtatakda ng sapat na pondo ng judiciary, mga pamamaraan para mapabilis ang pagkakamit ng hustisya, at pagkakaroon ng bukas na linya ng mga sangay ng gobyerno, lalo na sa mga kontrobersiyal na kaso sa bansa tulad ng Vizconde murders, “Morong 43”, at ang pagbibigay ng amnestiya kay Senador Antonio Trillanes. Naniniwala si Ochoa na mahalaga ang koordinasyon ng tatlong sangay ng gobyerno kahit pa nakasaad sa Konstitusyon ang pagkakaroon ng mga ito ng pantay na kapangyarihan.
“Mas maigi nang maiwa- san ang pagsasapawan,” anang Executive Secretarty.