Trahedya sa panahon ng kasiyahan!
Labing-anim na ang namatay sa sunog sa isang pension house sa Tuguegarao City. Kasama sa 16 ang siyam na nursing graduate mula sa isang unibersidad sa Santiago, Isabela, na nag check-in sa hotel dahil kukuha ng nursing board exams sa Tuguegarao. Hindi na sila nakapag-eksam. Apat na taon ang binuno para makapagtapos. Isang hakbang na lang, mga propesyonal na sana sila kung makapasa nga nung board exams. At kung pagpapalain pa sana, makapagtrabaho sa ibang bansa. Lahat iyan ay nawala sa sunog at usok, kasama na ang kanilang mga buhay.
Kaya ngayon, simula na ang turuan, sisihan. Sinibak na ang Fire Marshall ng Tuguegarao City dahil mapapasailalim sa isang imbestigasyon. Nalaman na kasi na walang mayor’s permit at fire safety inspection certificate ang Bed and Breakfast Pension House. Bakit hindi ako magtataka? Sa probinsiya, halos lahat magkakilala. At dahil doon, tila lahat na lang ng bagay ay pwedeng palampasin na lang, o idaan sa usapan. Kasama na diyan ang lahat ng klaseng mga permit at certificate. Mga pinagpapaliban na muna, o kaya’y hindi na talaga iniintindi dahil kilala naman si ganito, si ganun. May mga tama at sapat na fire exit ba ‘yung hotel? Ayon sa mga nakaligtas, binasag pa nila ang mga bintana nila para makaligtas mula sa apoy! Pinuna ba nung Fire Marshall iyon? May mga fire extinguisher na maayos ba? Maliwanag ba ang mga marka ng fire exit, kung meron man?
Isang trahedya na naman ang kailangang maganap para makita ang mga bulok sa sistema. Pati ang mayor ng Tuguegarao ay mapapasailalim na rin sa isang imbestigasyon! Pero ano naman ang mangyayari diyan? Ganun din ang kuwento ng QC Manor Hotel sa may Kamias, na nasunog din. Marami rin ang namatay. Sa pagkakaalam ko, wala pang napaparusahan para sa trahedyang iyon! Ganun din ba sa Tuguegarao?
Napakalungkot naman para sa pamilya ng 16 na namatay. Imbis na Noche Buena ang pagsasaluhan, burol. Imbis na Christmas tree, ataul. Dapat lang na may maparusahan sa trahedyang ito, kahit sino pa iyon! Iilan lang naman ang magtuturuan sa isang maliit na siyudad, kaya siguradong may mahahanapan ng sala!
- Latest
- Trending