Malagim ang sinapit ng siyam na nursing graduates na kukuha sana ng licensure examination kahapon sa Tuguegarao City, Cagayan, namatay sila nang masunog ang tinitirahan nilang lodging house dakong ala-una ng madaling araw. Bukod sa siyam, anim na iba pa ang natupok kabilang ang anak at apo ng may-ari ng lodging house. Ang mga biktima umano ay natagpuang magkakayakap sa banyo. Ang isa ay naipit pa ang mga paa sa rehas ng bintana at hindi na nakaalis dahil nilamon na ng apoy. Nakita umano na kumakaway ang mga biktima at nagpapatulong na makalabas sa gusali pero napuno na iyon ng usok hanggang sa ganap nang sumiklab ang apoy at kumalat.
Pero ayon sa mga awtoridad, malaki ang pananagutan ng may-ari ng lodging house sapagkat maraming paglabag sa batas. Wala umanong fire exit ang lodging house, walang fire extinguisher at ang mga bintana ay pawang naka-grills. Kung mayroon umanong fire exit ang gusali maaaring walang namatay. Bukod sa walang fire exit, hindi rin naman umano mabuksan ang mga pinto ng kuwarto na naging dahilan para marami ang hindi agarang makalabas.
Ayon sa mga awtoridad, faulty wiring ang hinihinala nilang dahilan ng sunog. Umano’y alas diyes pa lamang ng gabi ay nagbi-blink na ang mga ilaw ng lodging house. Pero hindi pinapansin ng occupants sa pag-aakalang normal iyon. Hinihinala rin naman na ang mga nakatambak na combustible materials sa isang auto supply ang naging dahilan ng sunog. Hinihinala rin naman na ang mga tirang pintura na nakatambak sa loob ng lodging house ang pinagmulan ng sunog.
Hindi lamang kung Marso at Abril nagkakaroon nang malalagim na sunog kundi maging sa Disyembre man. Ngayong papalapit na ang Bagong Taon, isa sa mga kinatatakutan ay ang pagsiklab ng sunog na nililikha ng mga paputok. Tuwing magpapalit ng taon, may mga sunog na bumubulaga habang nagkakasayahan ang mga tao. Hindi na dapat mangyari ang ganito. Nararapat din naman na magkaroon ng pagbabago sa Bureau of Fire Protection. Ayon sa report, isang oras na ang nakalilipas bago dumating ang mga bumbero gayung malapit lamang ito sa lodging house na nasusunog. Anong ginagawa ng mga bumbero sa oras na pangangailangan? Bakit hindi agad sila nakaresponde? Ngayong 15 ang namatay sa sunog, maaaring magturuan naman kung sino ang may kagagawan.