'Mga mandurukot sa Pasig'

SUNUD-SUNOD na sumbong ang dumarating ngayong buwang ito sa aming tanggapan hinggil sa aktibong ope­rasyon ng mga mandurukot sa Rosario, Pasig.

Ayon sa mga sumbong na nakarating sa amin sa tawag, text at maging e-mail, mataas ang araw o umaga kung tumira ang grupo ng mga holdaper.

Dalawa hanggang tatlong kalalakihan na sabay-sabay na umaakyat sa jeep sa pagitan ng 8:00 at 8:30 ng umaga.

Laglag-barya ang gamit na estilo ng mga mandurukot na ito. Aktong may pupuluting barya sa paanan ng naispatang biktima.

Dalawang suspek ang isa-sandwich o pagigitnaan ang kanilang napiling biktima. Habang ang ikatlo sa harap ng biktima, sa kabilang upuan.

Unang suspek, pupulot ng hinulog nitong barya sa paa ng biktima. Hahawakan nito ang tuhod ng biktima habang nanginginig-nginig pa. 

Aakalain ng biktima, may sakit lamang ang kanyang katabi kung kaya’t hahayaan o tutulu­ngan nito ang pumupulot ng barya na nakahawak sa kanyang tuhod.

Subalit ang estilong ito ang siyang kukuha ng atensiyon ng biktima. Eto naman ang pagkakataon para sa ikalawang suspek na dukutin ang wallet o cellphone ng biktima.

Ang ikatlong suspek, look out o taga-abang kung may nakakapansin o may sisita sa kanilang pandurukot. 

Subalit dahil sa itsura ng look out na mala-sanggano, sinumang makakakita nito, matatakot pumiyok o pumalag man lang. 

Sa sinumang nakakakilala sa 3 lalaki na ito na mga man­durukot sa Rosario, Pasig, ipaalam agad sa BITAG ang kanilang tambayan. 

May nakaplano na ka­ming patibong kung paano susundan ang mga kolokoy na ito.

Isa sa mga suspek ay medyo mataba raw ayon sa pagkakakilanlan ng mga biktima. Sinoman ang may impormasyon sa kanila, itawag agad sa mga numerong nasa ibaba ng kolum na ito.

Show comments