Gaudete

KAGABI ay ipinagdiwang namin ang VALIK2010VARSI, kaugnay ng ika-400 anibersaryo ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Nagpapasalamat po ako sa Diyos at doon ako nagtapos ng aking pag-aaral sa pagka-pari at naging Filipino Editor din ako ng The Varsitarian na pinaka-mahusay na student paper na nagprodyus ng mga mahuhusay na manunulat noon at hanggang ngayon. Maging ang Opinyon Editor nitong Pilipino Star NGAYON na si Bro. Ronnie M. Halos ay dati ring Filipino Editor ng The Varsitarian at ang kanyang sweetheart na si Annabelle O. Buenviaje ay dating staffer ng Varsi. Mas bata sila kaysa sa akin.

Ngayon ang ika-tatlong linggo ng Adbyento. Muli tayong pina-aalalahanan ni Isaias na darating ang Pangi­noong Diyos kaya huwag tayong matakot, lakasan ang ating loob at magsaya. Umawit tayo ng papuri at tayo’y paghaharian ng kaligayahan. “Aleluya! Papurihan ang ating Poong Maykapal!” Magtiyaga tayo hanggang sa pagdating ng Panginoon.

Ang hinihintay natin ngayon ay hindi lamang ang kaarawan ni Hesus kundi ang ikalawa Niyang pagdating. Kaya paghandaan natin ito sa pamamagitan ng pagsisisi at pagpapaka-banal. Kung ating mapapansin, simula pa noong unang linggo ng Adbiyento ay tuluy-tuloy ang paalaala sa ating pagsisisi. Huwag maghinanakit at buong tiyaga tayong magtiis ng kahirapan, malapit nang duma-ting ang hukom. Ang pagpapakilala ng sariling adhikain ay napakahalaga. Ito ang puno’t dulo ng kakayanan at magagawa nating kabutihan.

Sa nakaraang halalan sa mga barangay ay sari-saring pananaw ang ating namalas. Ilan ding nanalong punong barangay ang aking binati: “Congrats Brod ikaw pala ang bagong chairman sa iyong barangay”.  Sagot ng una:

“Halos lahat ay sa akin ang boto kaya napaka-laki ng aking lamang” Sagot ng ikalawa: “Dinaya ko raw ang kalaban. Di magbilangan uli para patunayang ako ang gusto ng aming barangay!” Sabi naman ng ikatlo: “ Sa wakas napalitan ko na rin yung bata ni Mayor.” Sabi naman ng ikaapat: “Pinaplano ko nang unahin ang mga bi­na­bahang lugar dito sa aming barangay kasi tambak ng mga basura ang mga kanal.” Sino po kaya sa kanila ang Karangal-dangal na Kapitan ng barangay?

Sagot ni Hesus sa sugo ni Juan Bautista: “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita”, bulag nakakita, pilay nakalakad, ketongin guma-ling, bingi nakarinig, patay muling nabuhay. Mabuting Balita ipinangaral. Ito ang tunay na sagot na puno ng katotohanan. Gaudete, tayo’y magpakasaya sa pagsilang ng Panginoon!

Isaias 35:1-6a, 10; Sal­mo 145; Santiago 5:7-10 at Mt 11:2-11

Show comments