Nuisance Law
HINDI ko talaga maintindihan kung bakit pinapayagan ang mga karaoke sa kalye. Walang masama sa karaoke kung kayo-kayo lang ang nakakarinig at nag-eenjoy. Kaya nga may mga KTV di ba? Kahit ba magaling at maganda ang boses mo, sa tingin ko ay wala kang karapatan piliting marinig ang boses mo ng lahat ng tao. Baka nagtatrabaho pa sila. Baka may ibang gustong pakinggan. Baka gusto nang matulog!
Senyas ito ng likas na kawalang-galang at kawalan ng respeto ng iba sa marami. Mga kulang sa pansin, na pilit pinaririnig ang boses, at mangangatwiran kesyo nag-eenjoy lang, nagpapalipas ng oras, o nagsasaya sa isang selebrasyon. Eh kung ganun, okay na rin ang mga kumakarerang sasakyan sa kalye ng hatinggabi. Mga magpapaiyak ng gulong na walang katapusan, mga tambutsong nakakagising ng patay. O kaya isang outdoor shooting range na bukas hanggang madaling araw. Lahat iyan puwedeng gamitin ang parehong pangangatwiran ng mga nagka-karaoke sa kalye.
Panahon na para magkaroon ng tunay na batas ukol sa ingay. Sabi sa akin ay may “Nuisance Law” na raw, pero hindi pinatutupad ninoman, pati mga otoridad mismo. Baka mga pulis pa ang kumakanta ng “My Way” sa kalye! Kung may karapatan ang tao mag-enjoy sa anong pamamaraan na gusto niya, may karapatan din ang tao na makapahinga na sa katapusan ng isang araw. Kaya kung gustong kumanta hanggang mabasag ang boses, puwede namang gawin sa loob ng isang kuwarto kung saan hindi ka makakaistorbo ng iba. Lahat, puwede mong gawin sa kuwarto na iyon. Nag-eenjoy ka na, wala ka pang iniistorbo.
Maliban na lang kung talagang kulang sa pansin, na sa tingin ay may pupuna sa boses at madidiskober kahit na ubod ng sama ng pagkanta. Ibang usapan na iyon. Dapat lang na ireklamo sa otoridad, o hingan ng tulong ang lokal na pamahalaan para matigil na ang “nuisance” o perwisyo na iyan. May hangganan ang lahat ng pasensya. Kaya nga may mga masasamang insidenteng nagaganap sa mga karaoke. Sana sa administrasyong ito, magkaroon na ng tunay na batas ukol sa lahat ng klaseng ingay, lalo na sa mga oras ng gabi kung saan marami na ang nagpapahinga.
- Latest
- Trending














