Editoryal - Meron pa ring mga 'kuliglig'
MERON pa ring mga “kuliglig” na yumayaot sa Maynila. Hindi kayang suwetuhin kahit na nagpakita na ng pangil si Mayor Alfredo Lim. Isang dahilan kung bakit matatapang ang drayber ng mga kuliglig ay sapagkat may mga pulitiko na pumapanig. Kahit na alam na bawal ang “kuliglig’’ kinakampihan pa rin.
Naging problema ang kuliglig dahil sa pagkunsinti ng mga dating namumuno sa Maynila. Lumaki nang lumaki. Yung dating ginagalawan nila sa Divisoria kung saan tagahakot lang ng mga paninda, ay lumawak hanggang sa makarating sa Carriedo, Recto, Rizal Avenue at mantakin na pati sa Taft Avenue hanggang sa Roxas Boulevard ay may mga “kuliglig”.
Kung noon na kakaunti pa lamang ang mga ito ay pinagbawalan na, hindi sana magkakaroon ng problema. Alam naman ng mga “kuliglig” drayber na illegal ang pamamasada nila sa mga pangunahing kalsada pero nagmamatigas na sila. Humihiyaw na sila na inaapi ng pamahalaan. Ikinakatwiran pa na wala silang ipakakain sa pamilya. Nanakot pa ang ilan na babalik daw sila sa panghoholdap kapag pinatigil sila sa pagpasada.
Ngayong sa kanilang bibig nanggaling, dapat nga lang palang itigil ang mga motorized pedicab na ito dahil mapanganib. Maaaring ang pasahero ang kanilang holdapin sa hinaharap. Hindi pala dapat tangkilikin ang mga sasakyang ito sapagkat ang mga drayber ay masasamang loob. Dapat pala dinurog na ang mga “kuliglig” noong Disyembre 1.
Lumalakas ang loob ng mga drayber ng “kuliglig” dahil may pulitikong nagpapanukalang gawing legal ang pamamasada. Saan naman nakakita na dapat kampihan ng pulitiko ang mga drayber ng “kuliglig” na pati one way na kalsada ay pinapasok. Saan ka nakakita na walang preno-preno kahit naka-red ang ilaw.
Huwag sanang palakihin ang ulo ng mga drayber na ito na inilalagay sa panganib ang buhay ng ibang motorista. Hindi dapat pinuprotektahan ang mga “kuliglig” na nagdagdag ng air pollution sa kapaligiran.
- Latest
- Trending















