HINDI makabitaw sa paninigarilyo si President Noynoy Aquino. At tila nagsisisi siya kung bakit nanigarilyo pa sapagkat ngayon ay hindi na siya makabitaw sa bisyo. Kaya nga nang magsalita siya sa mga estudyante ng La Consolacion College sa Mendiola Manila, mariin niyang sinabi na huwag manigarilyo ang mga ito. “Do not smoke lalo kapag hindi pa nakapag-uumpisa.Huwag mo nang um-pisahan,” sabi ni Aquino. Si Aquino ang panauhing pandangal sa paglulunsad ng libro ni Alexander Lacson, natalong kandidato sa pagkasenador na pinamagatang “12 Little Things Our Filipino Youth Can Do For Your Country”. Isa sa mga paraan na sinabi ni Lacson ay “huwag manigarilyo”.
Maganda ang payo ni Aquino sa mga kabataan na huwag nang manigarilyo o huwag nang tumikim nito habang hindi pa inuumpisahan. Alam na niya kung gaano kabigat ang bisyong ito kapag ang isang tao ay nalulong dito. Mahirap nang makabitaw sapagkat alipin na ng nikotina.
Pero mas maganda sana kung maipakikita ng presidente na siya mismo ang bibitaw sa bisyong ito para maging halimbawa ng mga kabataan. Kailangan lamang niya ang matibay na determinasyon para maitakwil ang bisyo. Makakaya niyang talikuran ang paninigarilyo kung gugustuhin niya.
Ang sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay isa sa mga dahilan ng kamatayan ng mga Pinoy. Kadalasang cancer sa baga at cardiovascular diseases ang dumadapo sa mga naninigarilyo. Hihintayin pa bang may mamatay bago lubusang makita ang kasamaan ng paninigarilyo?
Marami na ang nagkasakit at namatay dahil sa paninigarilyo. Unti-unti ang pagpatay. Pero sa kabila nito ay patuloy pa rin ang pagdami ng mga naninigarilyo. Pabata nang pabata ang mga naninigarilyo. Ang batas na nagbabawal sa pagbebenta ng sigarilyo sa menor de edad ay hindi naipatutupad. Lantaran na ang pagbebenta sa mga bata. Ano ba ang nangyayaring ito?
Kapag maraming magkakasakit dahil sa paninigarilyo gagastos nang malaki ang gobyerno para sa pagpapagamot. Dito lamang mapupunta ang pondo na dapat ay sa ibang serbisyo publiko gamitin.