IPAGPALAGAY mong nanalo ka ng ganitong premyo sa palarong raffle ng banko: Tuwing umaga magdedeposito ang banko ng P86,400 sa iyong private account, para sa gastusin mo. Pero may mga alituntuning dapat mo sundin, tulad sa anumang laro:
Una, lahat ng hindi mo nagasta sa araw na ‘yon ay mawawala sa account mo. Hindi puwede ilipat sa ibang account. Kailangan gastahin mo. Tandaan, tuwing umaga pagkagising madadatnan mo ang bagong P86,400 para sa araw na ‘yon.
Pangalawang alituntunin, maari itigil ng banko ang kasunduan anomang oras at walang abiso. Pagsara ng account, tapos na, hindi ka bibigyan ng bagong account.
Ano ang gagawin mo? Bibilhin mo lahat ng gusto mo, di ba? Hindi lang gamit pansarili, kundi pati para sa mga mahal mo sa buhay uubusin mo ang deposito, tama? Malamang pati mga hindi mo kilala ibibili mo, kasi hindi mo kayang ubusin ang pera sa sarili lang, di ba?
Sa totoo lang, nagaganap na ang laro sa aktwal na buhay. Bawat isa sa atin ay napremyohan ng mahiwagang bank account. Hindi nga lang natin napapansin.
Ang mahiwagang banko ay oras. Paggising natin sa umaga meron tayong 86,400 segundo — 60 bawat minuto, 60 minuto, 24 oras — na regalong buhay. Sa gabi anuman ang matira rito ay hindi natin maitatabi pampondo kung kelan kailanganin.
Anuman ang winaldas nating oras ay wala na habambuhay. Ang kahapon ay hindi na maibabalik. At maari masara ang account anumang oras, walang abiso.
Kaya ano ang gagawin mo sa 86,400 segundo mo ngayon? Di ba’t mas mahalaga pa sila kaysa katumbas na pera? Kaya lubusin mo sila.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@bondoc@workmail.com