Kung walang ngipin eh di buwagin!

Ito ang nangyari sa dating Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) ng nakalipas na administrasyon: Ni isang kurakot na opisyal sa nakalipas na administrasyon ay walang kinasuhan. Kaya ito ang dahilan kung bakit binuwag ng Aquino administration at isinalin na lang sa ibang ahensya ang gawain nito. Sabi nga ng barbero kong si Mang Gustin, dapat lang lansagin ang mga ahensyang hindi naman nakatutulong sa pagsasaayos ng pamahalaan. Sayang lang ang pondong ginugugol sa mga ito.

Panahon pa ni Presidente Ramos nang itatag ang PAGC sa bisa ng isang executive order pero hindi ito nakabuwelo sa pag-iimbestiga sa mga katiwalian sa panahon ng pamumuno ni FVR. Noong panahon ni Presidente Macapagal-Arroyo, nagamit lang ang PAGC para usigin ang mga opisyal ng gobyerno na kakampi ni dating Pangu­long Joseph Estrada. Wika nga, yung mga opisyal na hindi “type” ng administrasyon.

Wala ni isang opisyal ni GMA na sangkot sa malalaking iskandalo tulad ng PIATCO, Jose Pidal, fertilizer fund scam, Hello Garci, at NBN-ZTE broadband deal ang kinasuhan.

Kaya minabuti na lang ng Aquino administration na ipasa sa Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs (ODESLA) ang mga gawain ng binuwag na ahensya. “The PAGC is an example of the kind of redundancies we want to eliminate in government to allow us to better allocate our limited resources” ani Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. sa isang interbyu.  Si Assistant Executive Secretary Ronaldo A. Geron ang kasalukuyang officer-in-charge ng ODESLA.

Ayaw nating isipin na ang ODESLA na tumanggap sa gawain ng binuwag na PAGC ay “same dog with a different collar.” Umaasa ang publiko na magagampanan nito sa epektibong pa­raan ang tungkulin sa pagsugpo ng korapsyon gaya nang ipinangako ni P-Noy sa taumbayan na sa sari-ling salita niya ay tinawag niyang “boss.”

Show comments