Hindi maikaila na kahit paano ay nakahinga rin ng maluwang ang mga taga-Davao City sa paghari-harian ng ilang mga miyembro ng pamilya ni dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. may isang taon na rin ang nakaraan, pagkatapos nga ng karumaldumal na November 23 massacre.
Ito ay sa gitna ng patuloy na pananawagan ng hustiya na kailangang mapatawan ng nauukol na parusa ang mga Ampatuan dahil sa massacre na ikinasawi ng 58 katao, kasali na ang 32 na mamamahayag.
May ilang bagay din kasi na kapunapuna ngayong mga araw na ito dito sa Davao City simula nang nakulong si Andal Sr. at ang mga anak niya, kabilang na sina Andal Jr. at dating Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan.
May ilang naglakihang mansion din ang mga Ampatuan dito sa lungsod ng Davao. At simula nang sila ay nakulong naging tourist attraction na rin ang mga mansion na ito kasi nga hindi maiwasang inuusisa rin ng mga bisita ang mga ito.
Mga katiwala ang sinasabing naiwang nag-aalaga sa malaking mansion ni Andal Sr. sa may Calamansi St. sa Juna Subdivision at nahinto na rin ang construction ng isa pang mas grandiyosong mansion ng anak niyang si Zaldy sa kalapit nitong Kasuy at Cesario Streets.
Hindi pa rin tapos ang isa pang mansion ng mga Ampatuan sa Nova Tiera Village sa may Lanang at mga katiwala rin ang nagbabantay sa isa pang bahay nila sa Marfori Subdivision dito.
At kahit paano ay nakahinga ng maluwang ang mga kapitbahay ng mga Ampatuan sa Juna Subdivision na kung saan dati ay nanginginig sa takot dahil nga sangkatutak na bodyguards na may bitbit na naglalakihang armas ang mga nakabalandra hindi lang sa palibot ng mansion ni Andal Sr. ngunit maging sa lahat ng sulok ng subdivision.
May mangilan-ngilan na rin sa mga kapitbahay ng mga Ampatuan ang binenta na nila ang kanilang mga bahay dahil nga sa takot nila na matamaan sa crossfire kung sakaling magbarilan ang mga bodyguards ng pamilya.
At kaya nga lumalawak ang property ng mga Ampatuan sa Juna Subdivision kasi sila na rin ang bumibili ng mga lupa at bahay na binebenta ng mga kapitbahay nila. Nakahiga sa salapi ang mga Ampatuan, perang nanggaling sa kaban ng bayan.
Hindi lang naman sa Juna Subdivision naghari-harian ang mga Ampatuan.
Maging sa kung saang daan naaabutan ang mga Ampatuan dapat ay tatabi ang lahat para padaanin ang convoy nila. Naging hari rin ng daan ang mga Ampatuan noong bago nangyari ang Maguindanao massacre.
May isang taon na ring hindi nakikita rito sa Davao City ang mga convoy ng magagarang SUVs ng mga Ampatuan na may nakabuntot na ilang police cars na may marking na “PULISYA” na halatang hindi mga pulis-Davao dahil nga sa naglakihang “PULISYA” na marka sa mga gilid nito. Kasi ang mga police cars dito sa Davao City ay may 911 markings at may specific talaga na police station hindi gaya ng mga gamit ng mga Ampatuan na masyadong generic at ‘yon pala ay sasakyan ng kayang private army at hindi pala sanctioned talaga ng Philippine National Police (PNP).
Naging mayabang at abusado na rin ang ilang mga miyembro ng Ampatuan clan dito sa Davao City dahil nga sa mga napabalitang mga alitan sa daan o maging sa mga pangyayaring kinasasangkutan nila.
Ngunit ang lahat ng iyon ay nagbago nang nangyari ang Maguindanao massacre at nahubaran ang mga Ampatuan ng kanilang kapangyarihan.
Walang may gusto sa nangyaring massacre at talagang kinamumuhian ng lahat ang mga Ampatuan dahil nga sa kahayupang ginawa nila. Dapat nila itong pagbayaran.